DISYEMBRE 25, 2017
RUSSIA
Inagaw ng mga Awtoridad sa Russia ang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova
Noong Disyembre 14, 2017, pinasok ng mga awtoridad sa Russia ang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Kolomyazhskiy, St. Petersburg, nilagyan ng harang ang gusali, at inangkin ito. Walang nasaktan sa mga Saksi ni Jehova na nasa loob nito, at mukhang hindi rin napinsala ang gusali.
Ang Assembly Hall ang pinakamalaking ari-arian ng mga Saksi na inagaw ng mga awtoridad sa Russia mula nang maglabas ng desisyon ang Appellate Chamber of the Supreme Court of the Russian Federation noong Hulyo 17, 2017. Ipinag-utos nito na buwagin ang lahat ng legal na korporasyon ng mga Saksi sa Russia, ipagbawal ang gawain nila, at agawin ang mga ari-arian nila.
Ang Assembly Hall ay makapaglalaman ng 1,500 katao at ginagamit sa malalaking relihiyosong pagtitipon, pati ng mga kongregasyon, mula nang i-renovate ito noong 2002. Nalaman ng mga abogado ng mga Saksi na ang pagmamay-ari sa Assembly Hall ay inilipat na sa Russian Federation. Pagkatapos, naging pag-aari ito ng kalapít na health center na nagpaskil na sa gate ng sign nila.
Nangyari ang pang-aagaw isang linggo lang mula nang maglabas ng desisyon ang isang korte na puwedeng maging basehan para maagaw ang ari-ariang ginagamit ng mga Saksi bilang tanggapan nila, na malapit sa St. Petersburg. Pinawalang-bisa sa desisyong iyon ang ginawang kontrata ng tanggapan ng mga Saksi sa Russia at ng Watchtower Bible and Tract Society of Pennsylvania 17 taon na ang nakalilipas. Kung pagtitibayin ang desisyong iyon sa kabila ng apela, puwede nang agawin ng mga awtoridad sa Russia ang tanggapan at ang iba pang ari-arian ng mga Saksi sa Russia na nakapangalan sa banyaga.
Para sa mga Saksi ni Jehova, matinding pagsikil sa karapatang panrelihiyon ang ginawa ng gobyerno ng Russia. Napagkaitan sila ng kalayaan at inagaw pa sa kanila ang mga ari-arian na ang karamihan ay binili at ni-renovate ng mga mamamayan sa Russia na kapos sa buhay. Ginagawa ng mga Saksi ang lahat ng paraan para umapela sa aksiyong ito ng gobyerno. Dumulog na sila sa European Court of Human Rights at naghain ng reklamo sa UN Human Rights Committee.