Pumunta sa nilalaman

HUNYO 2, 2017
RUSSIA

Diringgin ng Oryol Regional Court ang Apela Laban sa Pagkulong Bago Pa ang Paglilitis kay Dennis Christensen

Diringgin ng Oryol Regional Court ang Apela Laban sa Pagkulong Bago Pa ang Paglilitis kay Dennis Christensen

Update: Ipinagpaliban (indefinitely) ang pagdinig na nakaiskedyul sa Hunyo 7, 2017.

Sa alas-2:00 ng hapon ng Hunyo 7, 2017, diringgin ng Oryol Regional Court ang apela laban sa pagkulong bago pa ang paglilitis kay Dennis Christensen, isang mamamayan ng Denmark. Si Mr. Christensen, isang elder sa Oryol Congregation ng mga Saksi ni Jehova, ay inaresto noong Mayo 25, 2017, nang ni-raid ng mga pulis ang relihiyosong pagtitipon ng kongregasyon sa gitnang sanlinggo.

Sa matagal nang pag-atake ng gobyerno ng Russia sa kalayaan sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova, ang Oryol Local Religious Organization (LRO) ay pinaratangan ng “ekstremistang gawain” at binuwag noong Hunyo 2016. Ngayong nabuwag na ng Supreme Court ang Administrative Center at ang mga LRO ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, ang Federal Security Service (FSB) ay nagpaparatang na dahil nagtitipon pa rin sila para sa pagsamba, ipinagpapatuloy ng mga Saksi sa Oryol ang gawain ng isang ilegal na ekstremistang organisasyon.

Iniimbestigahan ng FSB si Mr. Christensen dahil sinasabi nilang siya ay miyembro ng nabuwag na Oryol LRO. Pero si Mr. Christensen ay hindi kailanman naging miyembro ng legal na korporasyong iyon. Siya ngayon ay nakakulong bago pa man litisin hanggang sa Hulyo 23, 2017, sapagkat itinuturing ng prosecutor na bilang dayuhang mamamayan, baka tumakas siya bago pa makakuha ng ebidensiya ang FSB para gamitin sa kaso laban sa kaniya.

Bukod sa pag-apela sa pagkakakulong ni Mr. Christensen, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsampa ng bagong mga reklamo sa internasyonal na mga hukuman. Pagkatapos ng desisyon ng Supreme Court, naranasan ng maraming Saksi ni Jehova sa Russia ang mga pag-abuso at negatibong mga resulta ng ginawa ng gobyerno.