Pumunta sa nilalaman

Ang New World Translation of the Holy Scriptures sa wikang Russian

NOBYEMBRE 18, 2016
RUSSIA

BAHAGI 2

Tutol ang mga Eksperto sa Banta ng Russia na Ipagbawal ang New World Translation of the Holy Scriptures

Tutol ang mga Eksperto sa Banta ng Russia na Ipagbawal ang New World Translation of the Holy Scriptures

Ito ay Bahagi 2 ng serye na may tatlong bahagi batay sa mga interbyu sa kilaláng mga iskolar sa relihiyon, politika, at sosyolohiya, gayundin sa mga eksperto sa pag-aaral tungkol sa pamamahalang Sobyet at pagkaraan nito.

ST. PETERSBURG, Russia—Sinisikap ng mga awtoridad sa Russia na ipagbawal ang New World Translation of the Holy Scriptures (o Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan) na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova, anupat tinatawag itong “ekstremista.”

Dr. Ekaterina Elbakyan

Pero ang totoo niyan, kung magdedesisyon ang korte nang pabor sa tagausig, ang anumang pagbabawal sa New World Translation ay “lalabag sa amyenda sa Article 3 ng Federal Law on Extremism na pinirmahan ni Mr. Putin noong taglagas ng 2015,” ayon kay Dr. Ekaterina Elbakyan, propesor ng sociology and management of social processes sa Moscow Academy of Labor and Social Relations. Maliwanag na sinasabi sa amyenda sa Article 3: “Ang Bibliya, Quran, Tanakh, at Kangyur, ang nilalaman ng mga ito, at anumang pagsipi sa mga ito ay hindi maituturing na ekstremistang materyal.”

Dr. Roman Lunkin

“Sino ba ang mag-aakalang ang paggawa ng isang batas na nagbibigay ng imyunidad sa ilang banal na akda ay magiging dahilan din ng pagbabawal sa ibang banal na akda?” ang sabi ni Dr. Roman Lunkin, pinuno ng Center for Religion and Society sa Institute of Europe, Russian Academy of Sciences sa Moscow. “Mga Saksi ni Jehova ang unang naging biktima, pati na ang salin nila ng Bibliya.”

Dr. Jeffrey Haynes

Bukod diyan, “bilang miyembrong estado ng ICCPR [International Covenant on Civil and Political Rights], ang pagsisikap ng Russia na ipagbawal ang gayong Bibliya ay kontra sa mga tuntunin sa kalayaan sa pagsamba,” ang sabi ni Dr. Jeffrey Haynes, propesor ng politics at direktor ng Centre for the Study of Religion, Conflict and Cooperation sa London Metropolitan University.

Ang kaso laban sa New World Translation ay dinirinig sa Vyborg City Court, 138 kilometro (85 mi.) sa hilagang-kanluran ng St. Petersburg. Noong Abril 26, 2016, ikalawang araw ng panimulang pagdinig, pumayag ang hukom sa kahilingan ng tagausig na ipagpaliban ang kaso habang isinasagawa ang pagsusuri sa New World Translation na isinaayos mismo ng korte. Bago pa nito, hindi binigyan ang mga Saksi ng pagkakataong magharap ng depensa, at ang pagsusuri ay iniatas ng korte sa Center for Sociocultural Expert Studies, na ang negatibong konklusyon tungkol sa New World Translation ang nagsilbing basehan ng orihinal na reklamo ng tagausig. Muli, ang pag-aatas sa center na suriin ang New World Translation ay labag sa tuntuning itinakda ng Supreme Court ng Russia na nagsasabing hindi puwedeng gamitin ang isang eksperto kung nakapagbigay na siya ng opinyon tungkol sa isang usaping dinirinig sa korte.

Dr. Gerhard Besier

Habang hindi pa lumalabas ang resulta ng pagsusuri, may mga iskolar na nagpahayag ng paghanga nila sa salin ng mga Saksi. Halimbawa, sinabi ng iskolar na si Dr. Gerhard Besier, direktor ng Sigmund Neumann Institute for the Research on Freedom and Democracy: “Sa buong mundo, ang New World Translation ay pinupuri ng mga iskolar sa Bibliya mula sa iba’t ibang relihiyon.”

Gayundin, sinabi ng SOVA Center for Information and Analysis, na nakasentro sa Moscow, sa kanilang monthly news release na Misuse of Anti-Extremism, edisyon ng Pebrero 2016: “Wala kaming makitang anumang pahiwatig ng ekstremismo sa New World Translation.” Mula noon, sa halos lahat ng kanilang monthly news release, inuulit ng SOVA Center ang matatag na paninindigan nila laban sa mga pagkilos ng Russia, gaya ng inilathala noong Hunyo 2016: “Gusto naming ulitin na para sa amin, ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia at ang pagbabawal sa kanilang literatura at mga komunidad ay diskriminasyon laban sa relihiyon.”

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000

Russia: Yaroslav Sivulskiy, 7-812-702-2691