Pumunta sa nilalaman

ABRIL 7, 2016
RUSSIA

Mga Awtoridad sa Russia, Nagbantang Ipapasara ang Pambansang Punong-Tanggapan ng mga Saksi

Mga Awtoridad sa Russia, Nagbantang Ipapasara ang Pambansang Punong-Tanggapan ng mga Saksi

ST. PETERSBURG, Russia—Nagbanta ang mga awtoridad sa Russia na ipasara ang Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa bansang iyon. Ngayon lang ito nangyari.

Sa isang liham na may petsang Marso 2, 2016, nagbabala ang Prosecutor General’s Office of the Russian Federation na “ang relihiyosong organisasyon ay bubuwagin” kung hindi aaksiyunan ng administrative center sa loob ng dalawang buwan ang “mga paglabag” na ayon sa gobyerno ay “ekstremista.” Sinabi ni Yaroslav Sivulskiy, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: “Kasama sa pagpapasarang ito ng aming pambansang legal na korporasyon ang pagkumpiska sa lahat ng ari-arian namin at pagbabawal sa relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong Russia.”

Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.

Ang kakatwa rito, ang pagkilos na ito ay nangyari sa ika-25 anibersaryo ng unang legal na pagpaparehistro ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: inirehistro ang Administrative Center noong Marso 27, 1991, at inirehistrong muli noong Abril 29, 1999. Ang bantang pagpapasara sa pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi sa Russia, na nasa nayon ng Solnechnoye mga 40 kilometro sa hilagang-kanluran ng St. Petersburg, ang pinakahuling pag-atake ng gobyerno sa mga Saksi. Noong nakaraang taon, hinarang ng mga awtoridad sa Russia ang pagpapasok ng mga Saksi sa bansa ng mga relihiyosong literatura, pati na ng mga Bibliya sa wikang Russian. At tanging ang Russia lang ang nagbawal sa opisyal na website ng mga Saksi, ang jw.org. “Ang anti-extremism law ay ginagamit sa maling paraan laban sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa Russia,” ang komento ni Mr. Sivulskiy. “Iniaapela ng mga Saksi ni Jehova ang mga desisyong ito. Gusto naming isagawa nang malaya at mapayapa ang aming pagsamba at gawaing pagtuturo ng Bibliya, gaya ng ginagawa namin sa loob ng 125 taon sa Russia.”

Pero lalo pang pinag-iinitan ng mga awtoridad sa Russia ang mga Saksi ni Jehova, at ang dahilan ay ang malapít na ugnayan ng gobyerno at ng Simbahang Ruso Ortodokso. Inireport ng mga internasyonal na media na ang “alyansa ng gobyerno at ng Simbahang Ruso Ortodokso,” gaya ng pagkakasabi sa The New York Times, ang dahilan ng agresibong pagkilos at pagsasabatas para ipagbawal ang mga gawain ng mga Saksi pati na ng iba pang minoryang relihiyon sa Russia. Ayon sa The Associated Press, dahil sa “pagkilos [ng gobyerno] laban sa mga Saksi ni Jehova, naalarma pati ang mga aktibistang nagtataguyod ng kalayaan sa relihiyon.” Sinabi sa isang report mula sa Reuters na ang gayong pagkilos “laban sa mga Saksi ni Jehova at sa marami pang iba na sinampahan ng patong-patong na kasong kriminal ay dahil sa anti-extremism law ng Russia.” Noong Disyembre 2015, inireport ng The Independent na ang batas na ito ng Russia ay nilayong “mahadlangan ang pag-atake ng mga terorista at ultranationalist.” Pero ginamit din ito “para kasuhan ang mga miyembro ng gayong mapapayapang relihiyon” gaya ng mga Saksi ni Jehova, ang sabi ng The Huffington Post noong Marso 20, 2016. Bagaman umaapela ang mga Saksi sa mga hukuman sa bansa at sa European Court of Human Rights, inireport ng The Moscow Times noong Marso 25, 2016 na ang Russia ay nagsumite ng bagong batas na “nagbibigay sa mga korte ng Russia ng karapatang ibasura ang desisyon ng mga internasyonal na korte.”

Mga bisita sa lobby ng Administrative Center.

Ginagamit ng mga Saksi ang Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia para mag-organisa at maglaan ng libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya para sa mga mamamayan ng Russia. Ang makaranasang mga ministro sa administrative center ay tumutulong din at nakikipag-ugnayan sa mga Saksi na nagboboluntaryo para tulungan ang mga biktima ng kalamidad sa Russia. Mahigit 175,000 Saksi ang nasa Russia, isang bansang may populasyong mahigit 146,000,000.

Sinabi ni David A. Semonian, internasyonal na tagapagsalita ng mga Saksi mula sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa New York: “Talagang ikinalulungkot namin ang banta ng gobyerno na ipasara ang aming tanggapang pansangay sa Russia. Tinututukan ng mga Saksi ni Jehova at ng marami pang iba sa buong mundo ang kahihinatnan nito.”

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Russia: Yaroslav Sivulskiy, tel. +7 812 702 2691