NOBYEMBRE 29, 2018
RUSSIA
Sinuportahan si Dennis Christensen ng mga Tao Mula sa Iba’t Ibang Bansa
Mahigit 525 araw na si Brother Dennis Christensen sa bilangguan dahil sa kaniyang pananampalataya at halos 50 beses na siyang humarap sa korte. Ang Zheleznodorozhniy District Court sa Oryol, Russia, na dumirinig sa kaso ni Dennis, ay nag-iskedyul ng mga pagdinig sa kalagitnaan ng Disyembre. Kahit tumagal na nang mahigit 18 buwan ang kaso niya, positibo pa rin si Dennis. Matibay na ebidensiya ito na tinutulungan siya ni Jehova bilang sagot sa panalangin ng milyon-milyong kapatid natin sa buong mundo.
Nakatanggap si Dennis ng daan-daang card at drowing galing sa mga kapatid natin sa Russia at ibang bansa bilang pagpapakita ng kanilang pag-ibig at suporta. Sa pagdinig sa kaniya noong Oktubre 30, ipinakita ni Dennis mula sa kaniyang detention booth ang ilan sa mga card at larawan na ipinadala ng mga bata sa kaniya para makita ito ng lahat ng nandoon na sumusuporta sa kaniya.
Bukod sa mga kapatid natin sa buong mundo, interesado rin ang iba pang tao mula sa iba’t ibang bansa sa kaso ni Dennis. Noong Hulyo 21, 2017, sinabi ng Memorial Human Rights Centre na nakabase sa Moscow na si Dennis ay political prisoner. Noong Hunyo 20, 2018, humiling ang Human Rights Council ng Russia sa Prosecutor General’s Office na tiyakin kung may legal na basehan para ibilanggo ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pananampalataya nila. Noong Setyembre 26, 2018, inilagay ng United States Commission on International Religious Freedom si Dennis sa listahan ng mga “bilanggo dahil sa pananampalataya.”
Ginarantiyahan ng gobyerno ng Russia sa korte na ang pagbabawal sa legal na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay hindi makakaapekto sa karapatang sumamba ng indibidwal na mga Saksi. Binale-wale ito ng mga awtoridad at pinilipit nila ang batas para bigyang-katuwiran ang pag-aresto kay Dennis at sa maraming iba pa at ang pagsasampa sa kanila ng kaso dahil sa gawaing “ekstremista.” Sa taóng ito, nagsagawa ang Russia ng maraming raid sa buong Federation. Sa ngayon, 25 brother at sister ang nakabilanggo, 18 ang nasa house arrest, at mahigit 40 ang nasa ilalim ng iba’t ibang restriksiyon. Nakadepende sa kalalabasan ng paglilitis kay Dennis ang mangyayari sa mahigit 90 pang Saksi ni Jehova, na nasa mga 30 rehiyon sa Russia at naghihintay ng resulta ng imbestigasyon sa kanila.
Alam nating patuloy na mananalangin ang pamilya natin sa buong daigdig para patuloy na palakasin at patibayin ni Jehova ang mahal na mga kapatid nating napapaharap sa kasong kriminal dahil sa pananampalataya nila. Nananabik tayo na “mabigyan ng katarungan” ang mga kapatid na ito sa tulong ni Jehova.—Lucas 18:7.