Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 11, 2013
RUSSIA

“Wala Tayo sa Taóng 1937”

“Wala Tayo sa Taóng 1937”

Noong Abril 16, 2012, sa lunsod ng Perm’ sa sentro ng Russia, si Aleksandr Solovyov, na isang Saksi ni Jehova, ay pinagmulta ng 1,000 ruble (mga $30 U.S.) dahil sa pag-oorganisa ng ‘relihiyosong aktibidad nang walang permiso’ sa isang nirentahang pasilidad.

Matapos pakinggang mabuti ng hukom ng district court ang lahat ng “ebidensiya” laban kay Solovyov, binaligtad niya ang desisyon ng mababang hukuman at kinansela ang multa.

Matapos basahin ng hukom ang desisyon, sinabi nito sa napawalang-salang Saksi: “Pabago-bago man ang batas at hindi patas ang pananaw ng ilan, wala tayo sa taóng 1937; hindi tayo puwedeng magbulag-bulagan na lang. Sana’y bumuti ang ating lipunan sa tulong ng pagtuturo ninyo.

Noong Hulyo 1937, inilabas ni Stalin, diktador na Sobyet, ang Order 00447. Iyon ang naging mitsa ng mga pagmamalupit. Ang mga pinaghihinalaang may salungat na pananaw ay inaresto at nilitis kahit walang sapat na ebidensiya laban sa kanila. Ipinakikita ng opisyal na mga rekord na libo-libo ang ipinatapon sa mga kampo para sapilitang magtrabaho at mahigit 300,000 ang hinatulan ng kamatayan at binitay.