Pumunta sa nilalaman

ABRIL 12, 2017
RUSSIA

Pinakinggan ng Supreme Court ang mga Argumento ng mga Saksi ni Jehova Laban sa Bantang Pagbabawal

Pinakinggan ng Supreme Court ang mga Argumento ng mga Saksi ni Jehova Laban sa Bantang Pagbabawal

Noong Abril 12, 2017, idinaos ng Supreme Court ang ikaapat na araw ng pagdinig sa kasong ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Russia. Ang mga abogado ng Administrative Center ng mga Saksi ay nagharap ng mga argumento na nagpapakitang nilalabag ng kasong isinampa ng Ministry of Justice ang internasyonal na mga kasunduang sinang-ayunan ng Russia at ang sarili nitong konstitusyon.

Ipinaliwanag ng mga abogado na ang pagbabawal na gustong ipatupad ng Ministry of Justice ay labag sa internasyonal na mga pamantayan ng batas, kasama na rito ang European Convention at ang International Covenant on Civil and Political Rights. Ang mga kasunduang ito, gayundin ang konstitusyon ng Russia, ay nagbibigay ng garantiya sa kalayaan sa pagsamba at pagsunod sa udyok ng budhi, kalayaan sa pagpapahayag, kalayaan sa pagtitipon, at kalayaang bumuo ng legal na mga asosasyon.

Apat na Saksi ni Jehova ang tumestigo na ang kanilang mga kongregasyon ay hindi gumagamit ng mga publikasyong nasa Federal List of Extremist Materials at na walang kaugnayan sa ekstremismo ang mga Saksi. Ipinatalastas ng Hukuman na magkakaroon ng recess at ipagpapatuloy ang pagdinig sa Abril 19, 2017, alas-10 ng umaga.