Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 23, 2018
RUSSIA

Patuloy na Inaaresto at Ibinibilanggo ang mga Kapatid sa Russia

Patuloy na Inaaresto at Ibinibilanggo ang mga Kapatid sa Russia

Noong Oktubre 2018, mahigit 30 bahay ang ni-raid ng mga pulis sa gawing kanluran ng Russia. Anim na brother at dalawang sister ang inaresto at ibinilanggo bago litisin dahil sa di-umano’y ekstremistang gawain ng mga ito. Dahil diyan, 25 kapatid na ang nakabilanggo, at 18 pa ang naka-house arrest.

Oktubre 7, Sychyovka, Smolensk Region—Apat na bahay ang hinalughog ng mga pulis at ng nakamaskarang mga sundalo at dalawang sister ang inaresto nila—si Nataliya Sorokina, 43 anyos, at si Mariya Troshina, 41 anyos. Dalawang araw matapos silang arestuhin, nagdesisyon ang Leninsky District Court na ibilanggo sila bago litisin hanggang Nobyembre 19, 2018. Pagkatapos, noong Nobyembre 16, 2018, dinagdagan pa ng Leninsky District Court ng tatlong buwan ang pagkakabilanggo ng mga sister hanggang Pebrero 19, 2019.

Oktubre 9, Kirov, Kirov Region—Di-bababa sa 19 na bahay ang ni-raid. Limang elder ang inaresto at ibinilanggo bago litisin. Apat sa mga brother (sina Maksim Khalturin, Vladimir Korobeynikov, Andrey Suvorkov, at Evgeniy Suvorkov) ay Russian, at ang isa, si Andrzej Oniszczuk, ay isang Polish. Si Brother Oniszczuk ang ikalawang dayuhan, pagkatapos ni Dennis Christensen na taga-Denmark, na di-makatarungang ibinilanggo sa Russia dahil sa kaniyang Kristiyanong paniniwala.

Oktubre 18, Dyurtyuli, Republic of Bashkortostan—Di-bababa sa 11 bahay ang ni-raid ng mga pulis at nangumpiska sila ng mga pera, ATM card at credit card, litrato, personal na mga liham, computer, SIM card, at cellphone. Inaresto si Anton Lemeshev, isang elder, at sinentensiyahan ng dalawang-buwang pagkabilanggo bago pa litisin. Noong Oktubre 31, 2018, inilagay siya sa house arrest, at ganoon pa rin ang kalagayan niya hanggang ngayon.

Kahit tuloy-tuloy ang pagre-raid sa mga bahay at pangungumpiska ng mga pag-aari ng mga kapatid, patuloy pa rin nilang ipinapanalangin at tinutulungan ang mga kapatid na nakabilanggo at ang pamilya ng mga ito hangga’t posible. Hangga’t hindi pa gumaganda ang sitwasyon, patuloy na ipapanalangin kay Jehova ng mga kapatid sa buong mundo ang tapat na mga kapatid sa Russia, na binabanggit pa nga ang pangalan ng ilan sa kanila.—Efeso 6:18.