Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 2, 2017
RUSSIA

Internasyonal na Tugon sa Desisyon ng Supreme Court ng Russia Laban sa mga Saksi ni Jehova

Internasyonal na Tugon sa Desisyon ng Supreme Court ng Russia Laban sa mga Saksi ni Jehova

Tumugon ang internasyonal na mga ahensiya at mga opisyal ng gobyerno sa desisyon ng Supreme Court ng Russia na ginagawang ilegal ang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Binatikos nito ang di-makatarungan at malupit na paghatol ng Russia laban sa isang minoryang grupo ng relihiyon na kilalá sa mapayapang relihiyosong gawain nito.

Noong Hulyo 17, 2017, pinagtibay ng tatlong hukom ng Appellate Chamber ng Supreme Court ng Russia ang desisyon ng Korte noong Abril 20 na “buwagin ang relihiyosong organisasyon na ‘Administrative Center of Jehovah’s Witnesses in Russia’ at ang lokal na mga relihiyosong organisasyon na bahagi nito [at] ibigay sa Russian Federation ang lahat ng nakumpiskang ari-arian ng relihiyosong organisasyon.” Dahil sa desisyong ito, kaagad na ipinagbawal ng Korte ang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa buong Russia.

Mga Komento Pagkatapos ng Desisyon ng Appellate Chamber Noong Hulyo 17, 2017

Ang sumusunod ay bahagi ng mga komento pagkatapos ng desisyon noong Hulyo 17, 2017, ng Appellate Chamber ng Supreme Court ng Russia na pagtibayin ang naging desisyon noong Abril 20:

“Talagang nababahala kami sa desisyon ng Supreme Court ng Russia na ibasura ang apela ng mga Saksi ni Jehova laban sa pagtawag sa kanila na ‘mga ekstremista.’ Pinatutunayan ng desisyong ito na naging ilegal ang mapayapang pagsamba ng 175,000 mamamayan ng Russia at nilalabag nito ang kanilang karapatan sa kalayaan sa pagsamba na nakasaad sa Konstitusyon ng Russia.”—Lord Ahmad of Wimbledon, Minister for Human Rights, Foreign and Commonwealth Office, Great Britain. https://www.gov.uk/government/news/minister-for-human-rights-statement-on-russian-supreme-court-ruling

“Ang desisyon ng Supreme Court ng Russia sa linggong ito laban sa mga Saksi ni Jehova ang pinakabago sa nakababahalang pag-uusig sa relihiyosong mga minorya sa Russia. Nakikiusap kami sa mga awtoridad sa Russia na alisin ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, kanselahin ang pagpapasara sa Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova, at palayain ang sinumang miyembro ng relihiyosong minorya na di-makatarungang nakakulong pa rin dahil sa tinatawag na ‘ekstremistang’ gawain.”—Heather Nauert, Department Spokesperson for the U.S. Department of State. https://www.state.gov/r/pa/prs/ps/2017/07/272679.htm

“Gaya ng ibang relihiyosong grupo, ang mga Saksi ni Jehova ay dapat na mapayapang magtamasa ng kalayaan na magtipon nang walang paghadlang, na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Russian Federation gayundin ng mga internasyonal commitment at internasyonal na mga pamantayan ng mga karapatang pantao ng Russia.”—Tagapagsalita para sa European Union External Action Services. https://eeas.europa.eu/headquarters/headquarters-homepage/30022/statement-spokesperson-upheld-ban-activities-jehovahs-witnesses-russia_en

“Nakalulungkot na ipinakikita ng desisyon ng Supreme Court na patuloy nitong iniuugnay sa ekstremismo ang mapayapang pagsasagawa ng kalayaan sa relihiyon. Ang mga Saksi ay hindi ekstremistang grupo, at dapat na hayagan at malaya nilang naisasagawa ang kanilang pananampalataya nang walang paghadlang ng gobyerno.”—Daniel Mark, Chairman ng United States Commission on International Religious Freedom. http://www.uscirf.gov/news-room/press-releases/russia-jehovah-s-witnesses-banned-after-supreme-court-rejects-appeals

“Labis akong nababahala na pinagtibay ang pagbabawal ng korte sa mga Saksi ni Jehova sa Russia. Sa kabila ng aming mga apela sa iba’t ibang antas, ginagawang ilegal ng pagbabawal na ito ang mapayapang pagtatamasa ng karapatan sa kalayaan sa relihiyon at pag-iisip.”—Gernot Erler, Coordinator ng Intersocietal Cooperation With Russia, Central Asia, and the Eastern Partnership Countries, Foreign Ministry of Germany. http://www.auswaertiges-amt.de/sid_5DAC942B7DE50BCC4AFCDFC864C2E383/EN/Infoservice/Presse/Meldungen/2017/170719-Ko_RUS-Zeugen_Jehovas.html

“Ang nakagigitlang desisyon ng Russia kamakailan na ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova bilang isang kilaláng relihiyon sa Russia ay isang ganap na paglabag sa Article 18 ng Universal Declaration of Human Rights na pumoprotekta sa kalayaan sa pagsamba at paniniwala. . . . Ang mga taong may mabuting kalooban mula sa lahat ng relihiyon, gayundin ang lahat ng umiibig sa kalayaan sa karapatan udyok ng budhi ay dapat manindigang matatag na kasama ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.”—Dr. Katrina Lantos Swett, president, Lantos Foundation. https://www.lantosfoundation.org/news/2017/7/17/lantos-foundation-condemns-russias-outrageous-decision-to-ban-jehovahs-witnesses

Mga Komento Pagkatapos ng Desisyon ng Supreme Court Noong Abril 20, 2017

Bago ang desisyon ng Appellate Chamber, kinondena ng maraming ahensiya at opisyal ng gobyerno ang desisyon ng Supreme Court ng Russia noong Abril 20:

“Nakiusap ako kay President Vladimir Putin na gamitin ang kaniyang impluwensiya para garantiyahan ang mga karapatan ng minorya rito gayundin ang sa mga Saksi ni Jehova.”—Chancellor Angela Merkel, sa isang news conference kay President Putin. http://uk.reuters.com/article/uk-russia-germany-putin-syria-idUKKBN17Y1JZ

“Ang desisyon kamakailan ng Supreme Court na ideklarang isang ekstremistang organisasyon ang Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation, at ipasara ito, pati na ang 395 Local Religious Organization na ginagamit ng mga Saksi, ay lumilikha ng seryosong pagkabahala may kinalaman sa kalayaan sa relihiyon sa Russia at isa pang halimbawa ng batas laban sa ekstremismo na inaabuso para limitahan ang kalayaan sa pagpapahayag at pagtitipon.”—Theodora Bakoyannis at Liliane Maury Pasquier, co-rapporteurs ng PACE Monitoring Committee for the Russian Federation. http://assembly.coe.int/nw/xml/News/News-View-EN.asp?newsid=6599

“Ang hindi paggalang ng Russia sa kalayaan sa relihiyon ay isa pang tahasang paglabag sa mga commitment ng OSCE [Organization for Security and Cooperation in Europe] ng Moscow. Ang mga taong mapayapang nagsasagawa ng kanilang pananampalataya ay hindi dapat dumanas ng pangha-harass, pagmultahin, o ikulong. Pinalalá pa ang kalagayang ito ng court order na kumumpiska sa pag-aari ng organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Umaasa ako na ang kasong ito ay iaapela sa European Court of Human Rights.”—Senador Roger Wicker, Chairman ng Commission on Security and Cooperation in Europe. http://csce.emailnewsletter.us/mail/util.cfm?gpiv=2100141660.2454.614

“Ang desisyon kahapon ng Supreme Court ng Russian Federation na ipagbawal ang mga gawain ng Administrative Centre of Jehovah’s Witnesses sa Russia dahil sa ‘ekstremismo’ ay maaaring pagmulan ng ilegal na mga pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pagsamba. Gaya ng ibang relihiyosong grupo, ang mga Saksi ni Jehova ay dapat na mapayapang magtamasa ng kalayaan na magtipon nang walang paghadlang, na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Russian Federation gayundin ng mga internasyonal commitment at internasyonal na mga pamantayan ng mga karapatang pantao ng Russia.”—Tagapagsalita para sa European Union External Action Services. https://eeas.europa.eu/headquarters/headquarters-homepage/24870/statement-ban-activities-jeho

“Labis kong ikinababahala ang di-kinakailangang pagsasampa ng kasong kriminal sa mapayapang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa mga pamayanan sa Russia para alisin ang legal na korporasyon nito sa bansa. Ang desisyong ito ng Supreme Court ay isang banta sa pamantayan at simulain na saligan ng demokratiko, malaya, bukás, pluralistic, at mapagparayang lipunan.”—Michael Georg Link, Direktor ng OSCE Office for Democratic Institutions and Human Rights. http://www.osce.org/odihr/313561

“Ang pagbabawal na ito na umuusig sa mapapayapang tao dahil lamang sa kanilang pagsamba ay maliwanag na paglabag sa mahalagang karapatan sa kalayaan sa relihiyon pati na sa internasyonal na mga pamantayan ng karapatang pantao na iginagarantiya rin ng Konstitusyon ng Russian Federation. Kaya dapat itong rebisahin kaagad hangga’t maaari.”—Propesor Ingeborg Gabriel, Personal Representative ng OSCE Chairperson-in-Office on Combating Racism, Xenophobia, and Discrimination. http://www.osce.org/odihr/313561

“Nangangamba ako sa desisyon ng Supreme Court ng Russia na ituring na mga ‘ekstremista’ ang mga Saksi ni Jehova. Agad na ginagawang ilegal ng desisyong ito ang mapayapang pagsamba ng 175,000 mamamayan ng Russia at nilalabag ang kanilang karapatan sa kalayaan sa relihiyon na nakasaad sa Konstitusyon ng Russia. Ang UK ay nananawagan sa gobyerno ng Russia na itaguyod ang internasyonal na commitment nito sa mahalagang kalayaang ito.”—Baroness Joyce Anelay, dating Minister of State for the Commonwealth and the UN at the Foreign and Commonwealth Office. https://www.gov.uk/government/news/minister-for-human-rights-criticises-russian-supreme-court-ruling-for-labelling-jehovahs-witnesses-as-extremist

Pagkondena ng mga Bansa sa Desisyon ng Supreme Court ng Russia

Noong Hulyo 20, 2017, pinagtibay ng Permanent Council of the OSCE ang isang kapahayagan mula sa European Union (EU). Ang kapahayagan ay nananawagan sa Russia na payagan ang mga Saksi ni Jehova na “mapayapang tamasahin ang kalayaan sa pagtitipon nang walang paghadlang, gaya ng iginagarantiya ng Konstitusyon ng Russian Federation gayundin ng internasyonal na mga commitment ng Russia at ng internasyonal na mga pamantayan ng karapatang pantao.” Ang kapahayagan ay nagkakaisang pinagtibay sa Vienna ng lahat ng 28 miyembrong estado ng EU, at pumanig dito ang ibang hindi miyembrong bansa ng EU gaya ng Australia, Canada, at Norway. https://eeas.europa.eu/sites/eeas/files/pc_1155_eu_jehovahs_witnesses_in_russia.pdf

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nadismaya dahil sa di-makatuwirang desisyon ng Supreme Court ng Russia at sa agarang pagbabawal nito na isagawa sa buong bansa ang kanilang pagsamba. Sa kanilang pagtugon, inilantad ng internasyonal na mga ahensiya at opisyal ng gobyerno ang Russia dahil sa di-makatarungang pagdedeklara sa mga Saksi ni Jehova na mga “ekstremista” at sa pagwawalang-bahala nito sa sarili nitong konstitusyonal at internasyonal na mga commitment para protektahan ang kalayaan sa relihiyon. Diringgin pa ng European Court of Human Rights ang bagay na ito at umaasa kaming babaligtarin nito ang pagbabawal sa buong bansa.