MARSO 3, 2014
RUSSIA
Dagdag na Balita: Pagtatangkang Ipagbawal ang JW.ORG, Nabigo
ST. PETERSBURG, Russia—Noong Enero 22, 2014, isang malaking kaso sa korte ang naipanalo ng mga Saksi ni Jehova nang baligtarin ng isang appellate court ang desisyon ng mababang hukuman na ipagbawal sa buong Russia ang jw.org, opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova.
Binaligtad ng Tver Regional Court ang naging desisyon ng Tsentralniy District Court noong Agosto 7, 2013. Napatunayan ng regional court na hindi makatarungan ang district court sa pagbabawal sa website dahil ang mga Saksi ni Jehova, na may-ari nito, ay hindi nabigyan ng pagkakataong makadalo sa pagdinig. Nagsampa ng kaso ang prosecutor sa Tver dahil ang jw.org, ayon sa mga korte sa Russia, ay may mga publikasyong “ekstremista.” Nang malaman ng mga Saksi ni Jehova ang desisyon ng district court, inalis nila agad ang mga publikasyong ito mula sa jw.org sa Russia. Kinumpirma ng Tver Regional Court na sinunod ng mga Saksi ang batas ng Russia kung kaya kinansela nito ang pagbabawal.
Iniapela ng mga Saksi ni Jehova ang mga naging desisyon ng mga korte sa Russia na nagsasabing “ekstremista” ang ilan sa kanilang mga publikasyon at nagsumite sila ng ilang aplikasyon sa European Court of Human Rights para baligtarin ang mga desisyong iyon.
Sinabi ni Grigory Martynov, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: “Natutuwa kami at nakita ng mga hukom ang pakinabang sa aming website at ang pagkamakatuwiran ng pagsisikap naming sundin ang mga desisyon ng korte sa Russia. Patuloy naming ipagtatanggol ang integridad ng aming mga publikasyon at ang karapatan ng mga mamamayan ng Russia na lubusang makinabang sa aming pagtuturo ng Bibliya.”
“Masayang-masaya ang mga Saksi sa buong daigdig dahil sa tagumpay na ito,” ang sabi ni J. R. Brown, isang tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi. “Dahil sa tagumpay na ito sa korte, patuloy na maa-access ng lahat ng mamamayan ng Russia ang napakagandang website na ito sa pagtuturo ng Bibliya.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Russia: Grigory Martynov, tel. +7 812 702 2691