ABRIL 27, 2016
RUSSIA
Babalang Inilabas Para sa Punong-Tanggapan ng mga Saksi sa Russia, Banta sa Kalayaan sa Relihiyon
Ang mga awtoridad sa Russia ay gumawa na naman ng hakbang sa agresibong kampanya na suportado ng gobyerno laban sa mga Saksi ni Jehova. Pinagbabantaang buwagin ng Prosecutor General’s Office ang Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia dahil sa diumano’y “ekstremistang gawain.” Sa isang babalang liham na may petsang Marso 2, 2016, iniutos ni Deputy Prosecutor General V. Ya. Grin na alisin ng Center ang lahat ng “paglabag” sa loob ng dalawang buwan.
Pinatitindi ng babalang ito ang kampanya ng Russia na ibukod ang mga Saksi at higpitan ang kanilang kalayaan sa relihiyon. Kapag nabuwag ang Administrative Center, isasara ito, idaragdag ito sa listahan ng ekstremistang mga organisasyon ng bansa, at mapupunta sa Estado ang mga ari-arian nito. Dahil sa kanilang kaugnayan sa Center, lahat ng relihiyosong asosasyon ng mga Saksi ni Jehova—406 na lokal na relihiyosong organisasyon (legal na korporasyon) at mahigit 2,500 kongregasyon—ay posible ring mabuwag. Dahil dito, maaaring mawala ng mga Saksi sa buong Russia ang kanilang mga Kingdom Hall (lugar ng pagsamba). Sa bandang huli, ang pagbuwag sa Administrative Center ay maaaring humantong sa pagkakait sa mga Saksi ng kanilang karapatang isagawa ang relihiyosong paniniwala nila.
Ang sistematikong pag-atake ng Russia sa mga Saksi ni Jehova ay batay sa gawa-gawang ebidensiya at sinasadyang maling pagkakapit ng Federal Law on Counteracting Extremist Activity. Noong 2015, ipinahayag ng UN Human Rights Committee ang pagkabahala nito “sa maraming report na nagpapakitang dumadalas ang paggamit ng batas [tungkol sa Extremist Activity] para higpitan ang kalayaan sa pagpapahayag ... at kalayaan sa relihiyon, na pinupuntirya, bukod sa iba pa, ang mga Saksi ni Jehova.” *
Ang mga Saksi ni Jehova ay isang internasyonal na relihiyon na kinikilala ng marami. Nagtatamasa sila ng kalayaan sa relihiyon sa demokratikong mga bansa sa buong daigdig at sa lahat ng estadong miyembro ng European Union, maliban sa Russia. Ang kampanya ng Russia na pagpuntirya sa mapayapang pagsamba ng mga Saksi ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng sunod-sunod na hakbang na nagsimula noong kalagitnaan ng dekada ’90. Lubhang pinabilis ang mga pagsisikap na ito pagkatapos pagtibayin ng Russia ang batas tungkol sa ekstremistang gawain at gamitin ito sa maling paraan para manupil.
Malabong Kahulugan ng Ekstremistang Gawain—Ang Saligan ng Pag-abuso
Noong 2002, pinagtibay ng Russia ang Federal Law on Counteracting Extremist Activity bilang sagot sa problema tungkol sa terorismo. Pero sa simula pa lang, mayroon nang mga nababahala na ang malabong kahulugan ng extremist activity, o ekstremistang gawain, ay posibleng gamitin sa maling paraan ng mga opisyal sa Russia para manupil. Noong 2003, hinikayat ng UN Human Rights Committee ang Russia na amyendahan ang batas at bigyan ng eksaktong kahulugan ang ekstremistang gawain, upang “alisin ang anumang posibilidad ng di-makatuwirang paggamit ng batas.” *
Sa halip na linawin ang batas, lalo pang pinalawak ng mga rebisyon ang pagkakapit nito. Noong 2012, sinabi ng Parliamentary Assembly of the Council of Europe: “Sa orihinal na batas, ang ekstremismo ay binigyang-kahulugan sa isang bahagi bilang ‘pagpukaw ng di-pagkakasundo sa lipunan, lahi, bansa o relihiyon, na nauugnay sa karahasan o panghihikayat sa karahasan.’ Sa ginawang amyenda noong 2006, inalis ang pariralang ‘na nauugnay sa karahasan o panghihikayat sa karahasan.’ . . . Ang malabong kahulugang ito ng ‘ekstremismo’ ay nagpapahintulot ng di-makatuwirang pagkilos ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas.”
Nagkatotoo ang mga pangamba na baka abusuhin ang batas. Noong 2007, sinamantala ng Prosecutor General’s Office ang pananalita ng batas para simulan ang mga imbestigasyon laban sa mga Saksi ni Jehova. Ang Deputy Prosecutor General na si V. Ya. Grin—na siya ring lumagda sa babalang ibinigay sa Administrative Center—ay naglabas ng opisyal na liham na nag-uutos sa mga prosecutor na imbestigahan ang mga Saksi ni Jehova. Ang liham na ito ang unang pahiwatig na ang kampanya laban sa mga Saksi ay magiging pambuong-bansa at organisado.
Bagaman ang mga Saksi ay hindi nakikibahagi sa anumang kriminal na gawain, sinimulan ng mga prosecutor sa buong Russia ang isang malawakang pag-iimbestiga, at mula noong 2007, mahigit 500 imbestigasyon na laban sa mga Saksi ang inilunsad nila. Sinabi ng report ding iyon ng Parliamentary Assembly of the Council of Europe: “Ang Federal Law ‘para hadlangan ang ekstremistang mga gawain’ (Extremism Law), na pinagtibay noong 2002, ay ginagamit sa maling paraan laban sa mga gawain ng ilang relihiyon, lalo na ng mga Saksi ni Jehova, isang malaking komunidad ng 162,000 katao sa Russia. Lubhang dumami ang maling paggamit na ito ng batas mula nang simulan ang pag-amyenda sa batas noong 2006.” *
“Ang Federal Law ‘para hadlangan ang ekstremistang mga gawain’ ... ay ginagamit sa maling paraan laban sa mga gawain ng ilang relihiyon, lalo na ng mga Saksi ni Jehova.”—Parliamentary Assembly of the Council of Europe
Pagbabawal ng Relihiyosong Literatura—Basehan Para sa Higit Pang Pagsupil
Bago puntiryahin ang Administrative Center, na malapit sa St. Petersburg, nagpokus muna ang mga tagapagpatupad ng batas sa relihiyosong mga publikasyon ng mga Saksi. Nagdemanda ang mga prosecutor sa Taganrog at Gorno-Altaysk, na humihiling na ideklarang “ekstremista” ang maraming publikasyon ng mga Saksi at ilagay ito sa Federal List of Extremist Materials (FLEM).
Ginawang batayan ng mga korte sa Taganrog at Gorno-Altaysk ang mga diumano’y pag-aaral ng mga eksperto, at nagbaba sila ng hatol panig sa mga prosecutor noong 2009 at 2010. Mula noon, ang dalawang desisyong ito, na sa kabuoan ay nagbabawal sa 52 relihiyosong publikasyon, ang naging basehan para sa karamihan ng mga akusasyon laban sa mga Saksi. Sinunod ng mga awtoridad sa ibang rehiyon ng bansa ang ginawa sa mga kaso sa Taganrog at Gorno-Altaysk. Sa ngayon, 87 publikasyon na ng mga Saksi ang inilagay ng mga korte sa FLEM.
Tinutulan ng mga Saksi ang mga desisyon sa Taganrog at Gorno-Altaysk at ang lahat ng iba pang desisyon ng mga korte sa Russia na nagdeklarang ekstremista ang kanilang mga publikasyon. Nagsumite sila ng 28 aplikasyon sa European Court of Human Rights (ECHR) upang harapin ang mga akusasyon ng ekstremismo at kaugnay na mga pag-abuso. Ang ECHR ay inaasahang magpapasiya sa 22 sa mga kasong ito sa lalong madaling panahon. Bagaman ipinagtatanggol ang posisyon nito sa ECHR, inamin ng gobyerno ng Russia na marami sa mga publikasyon ng mga Saksi na nasa FLEM ay hindi “naglalaman ng tuwirang panghihikayat sa karahasan o pag-uudyok ng karahasan.”
Pag-atake sa Kalayaan sa Pagpapahayag
Nang magtagumpay ang mga awtoridad sa Russia na maideklara ng mga korte na “ekstremista” ang mga literatura, “legal” na silang makapagsasagawa ng mga pag-atake sa mga Saksi at higit pang paghihigpit sa kanilang kalayaan sa pagpapahayag.
Noong 2010, pinawalang-bisa ng mga awtoridad ang permit ng mga Saksi na mag-angkat at mamahagi ng Watchtower at Awake! sa Russia. Ang Watchtower ay inililimbag mula pa noong 1879. Ang dalawang publikasyong ito ang may pinakamalawak na sirkulasyon sa buong mundo.
Mula noong Marso 2015, hindi pinahihintulutan ng mga opisyal na makapasok sa bansa ang anumang kargamento ng relihiyosong literatura mula sa mga Saksi ni Jehova.
Mula noong Hulyo 2015, ipinagbawal sa Russia ang opisyal na website ng mga Saksi, ang jw.org, anupat mahirap para sa sinuman sa Russia na makakuha ng mga publikasyon ng mga Saksi sa elektronikong paraan. Ang pag-promote sa website ay isang krimen.
Maaga noong 2016, nagdemanda ang isang prosecutor sa Vyborg na ideklarang “ekstremista” ang New World Translation of the Holy Scriptures, isang Bibliya na inilalathala ng mga Saksi.
Bukod pa sa paghihigpit sa kalayaan sa pagpapahayag, ginamit ng mga awtoridad ang mga publikasyon na nakalista sa FLEM na dahilan para imbestigahan ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi roon at usigin ang indibiduwal na mga Saksi dahil sa kanilang relihiyosong gawain.
Paulit-ulit na Pagsisiyasat at Paghatol
Kapag ang isang publikasyon ay nakalista sa FLEM, ipinagbabawal ang pamamahagi, produksiyon, o pag-iimbak nito sa layuning ipamahagi ito. Sinamantala ng lokal na mga awtoridad ang probisyong ito sa batas upang makakuha ng mga court order na halughugin ang daan-daang tahanan ng mga Saksi at ang kanilang mga Kingdom Hall para sa anumang ipinagbabawal na relihiyosong literatura.
Kadalasan nang agresibo ang paghahanap at kinukumpiska ng mga awtoridad ang higit pa kaysa sa ipinahihintulot ng batas, na kinukuha ang personal na mga gamit at lahat ng relihiyosong literatura, ito man ay nakalista sa FLEM o hindi.
Noong Agosto 2010 sa Yoshkar-Ola, isang grupo ng humigit-kumulang 30 opisyal mula sa kapulisan, Federal Security Service (FSB), at espesyal na hukbong sandatahan ang nagpatigil sa isang relihiyosong pagtitipon. Sinunggaban ng mga opisyal ang ilang Saksi at hinawakan sila para hindi makapalag. Hinalughog ng mga opisyal ang lugar at kinuha ang personal na mga gamit, mga dokumento, at literatura.
Noong Hulyo 2012 sa Republic of Karelia, sinaktan ng mga opisyal ng FSB na may mga awtomatikong sandata at nakasuot ng ski mask ang isang Saksi sa publiko. Isinubsob nila siya sa hood ng kotse niya at pinilipit ang kaniyang mga braso sa likod. Hinalughog ng mga opisyal ang mga tahanan ng ilang Saksi at kinuha ang personal na mga gamit at relihiyosong literatura, ito man ay nakalista sa FLEM o hindi.
Noong Marso 2016 sa Republic of Tatarstan, ni-raid ng mga pulis ang isang Kingdom Hall at ilang bahay ng mga Saksi. Kinuha nila ang mga computer, mga personal na electronic tablet, at relihiyosong literatura.
Palihim na inirekord sa video ng mga awtoridad na nagpapatupad ng batas ang mga Saksi sa kanilang pribadong tahanan at mga Kingdom Hall. Tinap nila ang telepono ng mga Saksi, minonitor ang mga e-mail, at gumamit ng iba pang paraan na labag sa batas upang makakuha ng impormasyon. Palibhasa’y determinadong patunayan ang kanilang sinasabing ekstremismo, ang ilang pulis ay naglagay pa nga ng ipinagbabawal na literatura ng mga Saksi sa mga Kingdom Hall para makakuha ng ebidensiya laban sa kanila. Dahil sa mga ito, maraming Saksi ang sinampahan ng kriminal na kaso o paglabag sa batas.
Kasong Krimen Dahil sa Pagbuwag sa Legal na mga Korporasyon
Bukod sa pagsasampa ng mga kaso laban sa indibiduwal na mga Saksi, ginamit ng mga opisyal na nagpapatupad ng batas ang ipinagbabawal na literatura na itinanim nila sa mga Kingdom Hall bilang “ebidensiya” para buwagin ang mga lokal na relihiyosong organisasyon (LROs) * ng mga Saksi. Kapag nabuwag ang isang LRO dahil sa pagiging “ekstremista,” kukunin ng Estado ang mga ari-arian nito. Bilang resulta, nawawala ng mga Saksi roon ang kanilang mga lugar ng pagsamba. Nangyari na iyan sa Taganrog at Samara. Sinusunod ng mga awtoridad sa iba pang lunsod ang parisang ito.
Nang mabuwag ng mga awtoridad ang LRO sa Taganrog, labag sa batas nilang itinuring ang pagtitipon para manalangin at sumamba na katumbas ng “pagpapatuloy sa ilegal na gawain ng isang ipinagbabawal na organisasyon.” Gamit ang taktikang ito, hinatulan ng mga awtoridad sa Taganrog ang 16 na Saksi ni Jehova na mga kriminal dahil lang sa mapayapang pagtitipong sama-sama para sumamba. Ang ganitong relihiyosong pagtitipon ay ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Sa unang pagkakataon mula nang bumagsak ang Unyong Sobyet, isa nang krimen sa Taganrog na sumamba bilang isang Saksi ni Jehova.
Babala Laban sa Administrative Center—Hudyat ng Mapanganib na Paglala ng mga Kalagayan
Kapag binuwag ng mga opisyal ang Center, isasara nila ito at ipagbabawal ang gawain nito sa buong Russia. Gaya ng kanilang mga kapananampalataya sa Taganrog, ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa ay pag-uusigin bilang mga kriminal dahil lang sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa kanilang pananampalataya. Malaya silang manampalataya ayon sa gusto nila pero hindi sila malayang sumamba kasama ang iba *—iyan ang posibleng maging kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.
Sinabi ni Philip Brumley, General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova: “Isang insulto sa moralidad at katarungan na isama ang mga Saksi ni Jehova sa mga grupong ekstremista at isama ang kanilang literatura sa listahan ng mga gawa ng mararahas na terorista. Ginagamit ng mga awtoridad sa Russia sa maling paraan ang batas na salungat sa internasyonal na kaayusan, sa mga pamantayan ng Council of Europe, sa UN Declaration of Human Rights, at sa mismong konstitusyon ng Russia. Ginagamit nila ito para supilin ang mapayapang pagsamba ng mga Saksi at salakayin ang sentro ng kanilang gawain sa Russia.”
Sinabi ni Vasiliy Kalin, isang kinatawan mula sa Administrative Center: “Ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay sumasamba na mula pa noong ika-19 na siglo at nagbata ng matinding pag-uusig noong panahong Sobyet. Pagkatapos, kinilala kami ng Estado bilang mga biktima ng panunupil. Nais naming patuloy na sumamba nang payapa sa Russia. Ang mapanirang-puring mga akusasyon ng ‘ekstremismo’ laban sa amin ay ginagamit para pagtakpan ang kawalang-pagpaparaya sa relihiyon ng mga hindi sumasang-ayon sa aming mga paniniwala. Hindi kami mga ekstremista.”
Umaasa ang mga Saksi ni Jehova na poprotektahan ng Russia ang kanilang kalayaan sa relihiyon gaya ng ginagawa ng maraming bansa. Hinihiling din nila na ihinto ng Prosecutor General’s Office ang pagsalakay nito sa Administrative Center at na itaguyod ng Russia ang mga karapatang pantao para sa maliliit na grupo ng relihiyon. Ang tanong ay, Gagawin kaya ito ng Russia? O babalikan ba nito ang paniniil sa mga Saksi ni Jehova gaya ng ginawa nito noong panahong Sobyet?
^ par. 4 “Concluding observations on the seventh periodic report of the Russian Federation,” United Nations Human Rights Committee, CCPR/C/RUS/CO/7, 28 April 2015, paragraph 20.
^ par. 7 “Consideration of Reports Submitted by States Parties Under Article 40 of the Covenant, Concluding observations of the Human Rights Committee, Russian Federation,” UN Human Rights Committee, CCPR/CO/79/RUS, December 1, 2003, paragraph 20.
^ par. 10 “The honouring of obligations and commitments by the Russian Federation,” Doc. 13018, Parliamentary Assembly of the Council of Europe, dated 14 September 2012, paragraph 497.
^ par. 30 Sa Russia, ang mga grupo ng relihiyon na nakaaabot sa legal na pamantayan ay maaaring bumuo ng legal na mga korporasyong tinatawag na mga “lokal na relihiyosong organisasyon.” Ang legal na mga korporasyong ito ay walang pananagutan sa mga pambuong-bansang relihiyosong gawain kundi itinatatag ng lokal na mga mananamba sa isang maliit na lugar, gaya ng isang lunsod o bayan. Kapag mayroon silang legal na korporasyon, ang mga mananamba roon ay maaaring umupa o bumili ng ari-arian, bukod sa iba pang bagay.
^ par. 33 Paglabag ito sa Article 28 ng RF Constitution, na nagsasabi: “Ang lahat ay gagarantiyahan ng kalayaan sa budhi, kalayaan sa relihiyon, pati na ng karapatang ipahayag nang mag-isa o kasama ng iba ang pagiging kabilang sa anumang relihiyon o ipahayag na wala siyang relihiyon, na malayang pumili, magtaglay at ibahagi ang relihiyoso at iba pang pananaw at kumilos ayon dito.”
^ par. 40 Ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay isang di-pangnegosyong korporasyon na pangunahing ginagamit para sa internasyonal na pagsisikap na suportahan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ito ang nagmamay-ari ng karapatang-sipi para sa mga publikasyon ng mga Saksi.