Pumunta sa nilalaman

MARSO 21, 2017
RUSSIA

Kumikilos ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Mundo Bilang Tugon sa Bantang Pagbabawal sa Russia

Kumikilos ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Mundo Bilang Tugon sa Bantang Pagbabawal sa Russia

NEW YORK—Bilang tugon sa bantang ipagbawal ang kanilang relihiyon sa Russia, ang mga Saksi ni Jehova ay tuwirang nananawagan sa mga opisyal ng Kremlin at Supreme Court sa pamamagitan ng isang kampanya ng pagsulat ng mga liham. Hinihimok ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang mahigit 8,000,000 Saksi sa buong mundo na makibahagi rito.

Noong Marso 15, 2017, ang Ministry of Justice ng Russia ay nagsampa ng kaso sa Supreme Court ng Russian Federation para ituring na ekstremista ang Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia at buwagin ito. Hinihiling din nito na ipagbawal ang mga gawain ng Administrative Center. Kung kakatigan ng Supreme Court ang kahilingang ito, ang pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi na malapit sa St. Petersburg ay ipasasara. Pagkatapos, ang mga 400 rehistradong Local Religious Organizations ay bubuwagin din at ipagbabawal ang gawain ng mahigit 2,300 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Ang mga pag-aari ng sangay, pati ang mga lugar ng pagsamba na ginagamit ng mga Saksi sa buong bansa, ay puwede na ring kunin ng Estado. Bukod diyan, ang isang Saksi ni Jehova ay puwedeng kasuhan dahil lang sa pakikibahagi sa mga gawaing kaugnay ng kanilang pagsamba. Inaasahang ibababa ng Supreme Court ang desisyon nito sa Abril 5.

“Gustong itawag-pansin ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang kritikal na sitwasyong ito,” ang sabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi. “Ang pag-uusig sa mga mamamayang mapayapa at masunurin sa batas na para bang mga terorista sila ay maliwanag na maling paggamit sa mga batas na kontra-ekstremista. Ang gayong pag-uusig ay salig sa di-totoong mga paratang.”

Hindi ito ang unang pagkakataon na gumawa ng pambuong-daigdig na kampanya ang mga Saksi. Halos 20 taon na ang nakalilipas, sumulat ang mga Saksi para ipagtanggol ang mga kapananampalataya nila sa Russia bilang tugon sa kampanya ng paninira na ginawa noon ng ilang opisyal ng gobyerno. Nagsagawa rin ng kampanya ng pagsulat ng mga liham ang mga Saksi para manawagan sa mga opisyal ng gobyerno na itigil ang pag-uusig sa mga Saksi sa ibang mga bansa, gaya ng Jordan, Korea, at Malawi.

“Ang pagbabasa ng Bibliya, pag-awit, at pananalanging kasama ng mga kapananampalataya ay maliwanag na hindi labag sa batas,” ang sabi pa ni Mr. Semonian. “Inaasahan namin na sa tulong ng aming pambuong-daigdig na kampanya ng pagsulat ng mga liham, mauudyukan ang mga opisyal sa Russia na itigil ang di-makatuwirang pagkilos na ito laban sa aming mga kapananampalataya.”

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000

Russia: Yaroslav Sivulskiy, +7-812-702-2691