Pumunta sa nilalaman

Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Abinsk

AGOSTO 4, 2015
RUSSIA

Kaso ng Pagbuwag sa Abinsk LRO, Diringgin sa Supreme Court ng Russia

Kaso ng Pagbuwag sa Abinsk LRO, Diringgin sa Supreme Court ng Russia

Sa Agosto 5, 2015, diringgin ng Supreme Court ng Russian Federation ang mga apela tungkol sa Local Religious Organization (LRO) ng mga Saksi ni Jehova sa Abinsk. Gaya ng ginawa sa mga LRO sa Taganrog at Samara, binuwag ng mga opisyal ng lunsod ng Abinsk ang legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova maaga sa taóng ito.

Maling Saligan Para sa Pagbuwag

Ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Abinsk ay may mga 100 miyembro, ang ilan ay may-edad na. Ang Abinsk LRO ay nairehistro noong Nobyembre 1999 at ito ang nagmamay-ari sa Kingdom Hall kung saan nagtitipon para sumamba ang mga Saksi.

Noong Disyembre 2012 at noong Oktubre 2013, sinampahan ng kasong administratibo ng mga awtoridad ang dalawang Saksi ni Jehova sa Abinsk dahil diumano sa pamamahagi ng literatura na idineklarang ekstremista. Ang dalawang Saksi ay miyembro ng kongregasyon doon, pero hindi sila miyembro ng Abinsk LRO. Binale-wala ng prosecutor ang bagay na ito at ginamit na saligan ang walang-batayang paratang laban sa mga lalaking ito para buwagin ang LRO.

Batay sa maling palagay, nagdesisyon ang Krasnodar Territorial Court noong Marso 4, 2015, “na ideklara ang Local Religious Organization ng mga Saksi ni Jehova sa Lunsod ng Abinsk ... na ekstremista at na buwagin ito at alisin ito sa Uniform State Register of Legal Entities.” Ipinag-utos pa ng korte na ilipat sa Estado ang pagmamay-ari sa Kingdom Hall sa Abinsk. Kung papanigan ng Supreme Court ang desisyong iyon, mawawalan ng dako ng pagsamba ang mga Saksi sa Abinsk.

Kahina-hinala Rin ang Taktika

Gaya ng ginawa ng mga opisyal sa lunsod ng Taganrog at ng Samara, maling pagkakapit din ang ginawa ng mga awtoridad sa Abinsk sa Federal Law on Counteracting Extremist Activity para buwagin ang mga LRO ng mga Saksi. Gaya sa Abinsk, walang saligan ang mga paratang na ekstremista ang gawain ng mga Saksi. Puspusang ipinagtatanggol ng mga Saksi ni Jehova sa Taganrog at Samara ang kanilang sarili sa korte laban sa maling mga paratang na ito. Nag-file sila ng mga aplikasyon sa European Court of Human Rights para tutulan ang mga ginawang paglabag sa kanilang kalayaan sa relihiyon.

Patuloy na Magtitiis ang mga Saksi ni Jehova sa Abinsk

Ang maliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Abinsk ay magpapatuloy sa kanilang relihiyosong gawain, gaya ng ginagawa ng kanilang mga kapuwa Saksi sa buong daigdig. Gayunman, umaasa ang mga Saksi ni Jehova na makikita ng Supreme Court ng Russian Federation ang di-makatarungang desisyon ng mababang hukuman at hahayaan ang mga Saksi sa Abinsk na patuloy na magtipon nang mapayapa sa kanilang dako ng pagsamba.