ABRIL 13, 2016
RUSSIA
Mga Kamakailang Pagdinig sa Korte sa mga Saksi sa Russia
Taganrog, Rostov Region. Noong Marso 17, 2016, pinagtibay ng Rostov Regional Court ang desisyon ng trial court na hatulan ang 16 na Saksi dahil sa kanilang pagsamba pero ibinaba nito sa 10,000 ruble ($147 U.S.) ang multa ng 12 sa mga nasasakdal. Hindi pa alam ang eksaktong epekto ng pagsuspende sa sentensiyang pagkabilanggo at sa multa.
Sinisikap ng prosecutor na maideklarang “ekstremista” ang Bibliya. Hiniling ng Leningrad-Finlyandskiy Transport Prosecutor na ideklarang “ekstremista” ang New World Translation of the Holy Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay isang tuwirang paglabag sa Article 3-1 ng Federal Law on Counteracting Extremist Activity, na nagsasabing hindi puwedeng ikapit sa Bibliya ang batas na ito. Bagaman malinaw na isang Bibliya ang New World Translation, ikinakatuwiran ng prosecutor na ang mga salin lang na ginawa ayon sa “mga sagradong tradisyon” ng Russian Orthodox Church ang maituturing na Bibliya. Iniskedyul ng Vyborg City Court ang susunod na pagdinig sa Abril 26, 2016.