Pumunta sa nilalaman

Ang Leningrad Regional Court, kung saan dininig ang apela

DISYEMBRE 27, 2017
RUSSIA

Ibinasura ang Apela—Pinagtibay ng Korte sa Russia ang Deklarasyong “Ekstremista” ang Bibliya

Ibinasura ang Apela—Pinagtibay ng Korte sa Russia ang Deklarasyong “Ekstremista” ang Bibliya

Pinagtibay ng isang court of appeals ang desisyon na nagdeklarang “ekstremista” ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Russian. Kaya ipinagbabawal na ngayon ang Bibliyang ito, at idaragdag na rin ito sa Federal List of Extremist Materials. Sa ngayon, isa nang krimen ang pamamahagi ng Bagong Sanlibutang Salin. Puwede ring mapatawan ng malaking multa o ng mas malalang parusa ang sinumang may kopya nito.

Hindi Pinuna ng Korte ang Kawalan ng Ebidensiya ng mga “Eksperto”

Noong Disyembre 20, 2017, kinatigan ng Leningrad Regional Court ang desisyon ng Vyborg City Court kahit pa ang prosecutor o ang mga “ekspertong” pinili ng korte ay hindi nakapagbigay ng malinaw na basehan sa pagdedeklarang “ekstremista” ang Bagong Sanlibutang Salin. Ang desisyon ng mga korte ay batay lang sa iisang “ekspertong” pag-aaral na kumuwestiyon sa makabagong saling ito ng Bibliya sa wikang Russian.

Inamin ng panel ng regional court, na binubuo ng tatlong hukom, na may mga hindi nagtutugma sa isinagawang pag-aaral ng mga “eksperto” sa Bagong Sanlibutang Salin, kaya ipinatawag nila ang mga ito. Nang tanungin ng nangangasiwang hukom na si Larisa Gorbatova si Ms. Kryukova, ang nanguna sa pag-aaral, kung ang Bagong Sanlibutang Salin ba ay isang Bibliya, sinabi niyang hindi, “kung ibabatay sa matagal nang turo ng Kristiyanong Ortodokso.” Nang hilingin ng isang abogado ng depensa kay Ms. Kryukova na bumanggit siya ng kahit isang linya mula sa salin na nagpapatunay na ekstremista ito, wala siyang maisagot. Tinanong din ni Judge Gorbatova si Ms. Kryukova kung bakit masasabing ekstremista ang saling ito, pero hindi siya sumagot dahil hindi raw siya eksperto sa batas para sagutin ang tanong na iyan.

Nang itanong ng isa sa mga abogado ng depensa kung ano ang batayang ginamit para tukuyin kung isa bang Bibliya ang Bagong Sanlibutang Salin, sinabi ni Ms. Kryukova na dapat ay “may basbas ito ng patriyarka” o kaya ay tugma ito nang salita-por-salita sa gayong salin. Pagkatapos, tinanong si Ms. Kryukova kung bakit nila nasabing “hindi pasado” ang Bagong Sanlibutang Salin. Nang wala naman siyang maibigay na makatuwirang sagot pati na ang iba pang “eksperto,” tumigil na sa pagtatanong ang korte.

Pagkatapos, hiniling sa korte ng mga abogado ng mga Saksi na payagan silang magharap ng mga ebidensiyang nagpapakita na may pinapanigan ang mga “eksperto”; kasama rito ang napakaraming materyal na kinuha sa Wikipedia at sa isang Ortodoksong seminarista. Pumayag ang mga hukom pero hindi nila inaprobahan ang hiling na pumili ng totoong mga eksperto para sumuri sa Bagong Sanlibutang Salin at na muling dinggin ang kaso.

Bakit Ba Pinupuntirya ang Bibliya?

Sa panghuling argumento ng isang abogado ng mga Saksi, tinanong niya ang korte: “Ano ba talaga ang tunguhin ng prosecutor? Ano ang gusto nitong mangyari? Na ang Bibliyang ito ay sunugin ng daan-daang libong Russian na bumabasa nito? At kung ayaw naman nila itong gawin ay sampahan sila ng kasong kriminal?”

Maraming Saksi ni Jehova sa Russia ang natatakot sa mangyayari dahil naranasan na nila ang kawalang-katarungan ng mga awtoridad nang ideklarang “ekstremista” ang mga literatura ng mga Saksi. Halimbawa, ang ipinagbabawal lang talaga ng batas ng Russia ay ang pamamahagi ng ekstremistang mga materyal o ang pagkakaroon ng maraming kopya nito para ipamahagi. Pero hindi lang iyan ang ipinatupad ng mga awtoridad. Hinalughog din nila ang bahay ng mga Saksi at kinasuhan ang mga ito kahit na iilang publikasyon lang ang hawak ng mga ito at pansariling gamit lang. Bukod diyan, nagtanim sila ng ebidensiya sa mga lugar ng pagsamba ng mga Saksi. Palihim silang naglagay ng ilang ipinagbabawal na literatura at ginamit nila ang diumano’y mga ebidensiyang ito para mabuwag ang legal na korporasyon ng mga Saksi at masampahan ang mga ito ng kasong kriminal.

Mas lalala pa kaya ang gagawing paghalughog sa bahay ng mga Saksi? Sasampahan ba sila ng kasong administratibo o kriminal dahil lang sa pagkakaroon ng sariling kopya ng Bagong Sanlibutang Salin? Hindi pa natin alam kung paano gagamitin ng mga awtoridad sa Russia ang desisyong ito para sikilin ang kalayaan sa pagsamba ng mga Saksi.