HULYO 24, 2017
RUSSIA
Oryol Court—Pinalawig ang Pagkakakulong ni Dennis Christensen
Noong Hulyo 20, 2017, pinalawig ng Sovietskiy District Court ng Oryol ang pagkakakulong bago pa man ang paglilitis kay Dennis Christensen hanggang sa Nobyembre 23, 2017. Si Mr. Christensen, ay isang mamamayan ng Denmark at isang Saksi ni Jehova, na inaresto noong Mayo 25 nang ni-raid ng mga Federal Security Service agent, kasama ng nakamaskara at nasasandatahang mga opisyal ng pulis, ang mapayapang relihiyosong pagtitipon na dinaluhan niya sa Oryol.
Ang kaniyang mga abogado ay nagharap ng motion para piyansahan siya at gumawa ng kaayusan para bayaran ito. Pero ibinasura ng korte ang motion sa kabila ng bagay na wala siyang kriminal na rekord ni may rekord man siya ng marahas na paggawi.
Ang pagpapalawig sa pagkakakulong ni Mr. Christensen ay kasunod ng desisyon ng Appellate Chamber ng Supreme Court ng Russia noong Hulyo 17, na pinagtibay ang nauna nitong desisyon na buwagin ang lahat ng legal na korporasyon ng mga Saksi at ipagbawal ang kanilang gawain sa buong bansa. Matapos ang mahigit 10-taóng kampanya na pag-usigin ang mga Saksi at ilarawan sila bilang mga “ekstremista,” nagtagumpay ngayon ang mga awtoridad sa Russia na mag-imbento ng batas na magpapataw ng kriminal na kaso sa kanilang relihiyosong gawain.
Tungkol sa kalagayang nakakaharap ng mga Saksi sa Russia, sinabi ni Kate M. Byrnes, Chargé d’Affaires ng U.S. Mission to the Organization for Security and Cooperation sa Europa: “Nababahala kami sa desisyon ng Supreme Court noong Hulyo 17 na itaguyod ang pagbabawal sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova at pagbuwag sa Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova at sa 395 local religious organization nito dahil sa ipinalalagay nilang ‘ekstremistang gawain.’ Nakakainis isipin na ang mahigit 175,000 Saksi ni Jehova sa Russia ay maaaring pag-usigin bilang kriminal dahil lang sa pagsasagawa ng kanilang relihiyon. Problema nga ang dumaraming aplikasyon ng batas tungkol sa ‘ekstremismo’ para may-kamaliang puntiryahin ang mga miyembro ng mapayapang relihiyosong grupo ng minorya sa Russia.”