DISYEMBRE 5, 2017
RUSSIA
Magsisimula ang Pagdinig sa Pagkuha ng Estado sa Tanggapan ng mga Saksi sa Russia
Patuloy na gumagawa ng paraan ang mga awtoridad sa Russia para maagaw ang mga pag-aari na ginagamit ng Administrative Center of Jehovah’s Witnesses na nasa Solnechnoye, malapit sa St. Petersburg.
Noong Abril 20, 2017, iniutos ng Supreme Court na buwagin ang lahat ng legal na korporasyon ng mga Saksi at kumpiskahin ang mga ari-arian nila, kasama na ang mga pag-aari na ginagamit ng Administrative Center. Pero ang partikular na ari-ariang ito ay pag-aari ng isang korporasyon sa U.S.—ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania (WTPA). Kaya sinisikap ng tagausig na ipawalang-bisa ang 17-taóng kontrata na legal na naglipat ng pag-aari sa WTPA. Ang kontratang ito ay walang kaso bago ibaba ng Supreme Court ang desisyon, at ang WTPA ay nagbabayad ng buwis para dito mula nang ilipat ito sa kanila. Ang mga awtoridad ay naghahanap ngayon ng paraan kung paano mandaraya para maging legal ang pagkuha nila sa pag-aari.
Sa preliminary hearing noong Nobyembre 29, 2017, ibinasura ng hukom ang lahat ng motion na isinumite ng mga abogado ng mga Saksi at tinanggap ang kasong isinampa ng tagausig. Bukod sa posibleng makuha ang pag-aari, na milyon-milyong dolyar ang halaga, ang Center ay tahanan ng halos 400 mamamayan ng Russia at mga banyaga, na ang ilan ay nakatira na doon nang 20 taon o higit pa. Napakahirap sa kanila na umalis sa kanilang tahanan at mahadlangan sa pagboboluntaryo nila sa relihiyosong gawain para sa kapuwa nila mga Russian.
Ang pagdinig sa kaso ay magsisimula sa Disyembre 7, 2017, 2:00 n.h. sa Sestroretskiy District Court sa St. Petersburg.