Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Russia
Ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia sa modernong panahon ay isang ulat ng paniniil at pag-uusig. Sa kalakhang bahagi ng ika-20 siglo, inabuso at minaltrato ng mga awtoridad sa Russia ang mga Saksi, kahit kilala silang mapayapa at masunurin sa batas. Layunin ng gobyerno ng Soviet Union na pilitin sila na tanggapin ang paniniwala ng Sobyet. Bawal silang magkaroon ng Bibliya o relihiyosong mga literatura. Lagi silang minamanmanan kaya palihim nilang ginagawa ang kanilang relihiyosong pagtitipon. Kapag natuklasan, bubugbugin sila at hahatulan ng mahabang pagkabilanggo. Libo-libo ang naging tapon sa Siberia.
Nagbago iyan noong 1991 nang legal na kilalanin ng gobyerno ng Russia ang mga Saksi ni Jehova at binigyan ng kalayaang sumamba nang walang paghadlang mula sa mga awtoridad. Pero hindi nagtagal ang panahong iyon ng kapayapaan.
Noong 2009, dumami ang mga pagsalansang at pagbabawal nang pagtibayin ng Korte Suprema ng Russia ang desisyon ng nakabababang korte na tawaging “ekstremista” ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng mga taon ng labanan sa hukuman, nagdesisyon ang Korte Suprema ng Russia noong Abril 2017 na ipagbawal ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi dahil sa diumano’y ekstremistang gawain. Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ng Russia ang kanilang ari-arian, isinara ang kanilang mga lugar ng pagsamba, at ipinahayag na “ekstremistang babasahin” ang kanilang relihiyosong literatura.
Hindi lang sinalakay ng mga awtoridad ng Russia ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi, kundi pinuntirya din nila ang indibidwal na mga Saksi ni Jehova. Iniugnay nila ang pagsamba ng isang Saksi sa ipinagbabawal na organisasyon. Inabuso rin ng mga pulis ang mga Saksi kapag nagsasagawa sila ng raid sa bahay ng mga ito at naging marahas sila sa ginagawang interogasyon. Inaresto ang mga lalaki at babaeng Saksi, bata man o matanda, hinatulan at sinentensiyahang makulong o malagay sa house arrest.
Mula nang ipatupad ang pagbabawal noong Abril 2017, maraming Saksi ang nahatulan bago pa man litisin o ibinilanggo sa paratang na ekstremismo. Nitong Oktubre 18, 2024, isang kabuoang bilang na 131 Saksi ang nakakulong.
Maingay na Protesta Laban sa Malupit na Pagtrato ng Russia sa mga Saksi ni Jehova
Patuloy na hinahatulan ng mga awtoridad ng Russia ang mga Saksi ng ekstremistang gawain sa kabila ng internasyonal na mga pagprotesta para ihinto na ng Russia ang walang-tigil na pag-uusig nito. Pinuna ng mga korte sa labas ng Russia at mga informed observer ang ginagawang pang-uusig ng gobyerno ng Russia sa mga Saksi ni Jehova.
European Court of Human Rights: Noong Hunyo 7, 2022, naglabas ang European Court of Human Rights (ECHR) ng isang makasaysayang desisyon laban sa Russia. Kinondena nito ang pang-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova (Taganrog LRO and Others v. Russia, nos. 32401/10 and 19 others). Idineklara ng ECHR na labag sa batas ang pagbabawal ng Russia sa mga Saksi ni Jehova noong 2017. Inutusan ang Russia na “gawin ang lahat ng kailangan para matiyak na matigil ang lahat ng nakabinbing kasong kriminal laban sa mga Saksi ni Jehova . . . at palayain . . . ang mga [nakabilanggong] Saksi ni Jehova.” Ipinag-utos din na ibalik ng Russia ang lahat ng kinumpiskang pag-aari o magbayad ito ng 60 milyong dolyar bilang bayad-pinsala at bayaran ang mga nagpetisyon ng mahigit 3 milyong dolyar para sa mga pinsalang walang katumbas na halaga.
Liham Mula sa Secretary General ng Council of Europe: Sa isang liham noong Disyembre 9, 2022, para sa Russian Minister of Foreign Affairs, sinabi ni Marija Pejčinović Burić: “Sa mga kaso na Jehovah’s Witnesses of Moscow and Others at Krupko and Others, tungkol sa pagpapawalang-bisa ng pagkakarehistro bilang relihiyon kaya nagkaroon ng pagbabawal sa lahat ng gawain nito, pagpapahinto ng mapayapang relihiyosong pagtitipon at pagkakait ng kalayaan ng mga nakikibahagi dito, mahigpit na hinimok ng Komite ang mga awtoridad na alisin ang mga pagbabawal na ipinataw sa mga gawain ng lahat ng organisasyon ng Saksi ni Jehova at itigil ang lahat ng kasong kriminal na isinampa sa kanila.”
Desisyon ng Committee of Ministers ng Council of Europe: Sa miting nila noong Setyembre 2023, itinawag-pansin ng Committee of Ministers [CoM] “taglay ang malaking pagkabahala na ang malinaw na mga pahayag ng [European Court of Human Rights] sa ilalim ng Article 46 ng Convention at sa bahagi ng hatol sa kasong Taganrog LRO and Others ay lubusan at sadyang binale-wala ng mga awtoridad ng Russia, partikular na may kinalaman sa . . . pagpapalaya sa ibinilanggong mga Saksi ni Jehova.” Dahil sa hindi pagsunod ng Russia, ang CoM ay “nagpasiyang dalhin ang mga kasong ito sa United Nations Human Rights Committee, sa Working Group on Arbitrary Detention of the UN Human Rights Council, at sa iba pang mga kaugnay na internasyonal na lupong nag-aasikaso sa problema ng pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation, sa layuning matiyak na masusunod ang mga kahilingan ng nasabing mga hatol.”
Halimbawa ng Malupit na mga Hatol Kamakailan
Noong Enero 25, 2024, si Sona Olopova, isang 37 years old na sister at may asawa, ay sinentensiyahan ng dalawang-taóng sapilitang pagtatrabaho sa isang correctional facility sa Samara Region. Hinalughog ng mga pulis ang bahay niya noong Mayo 2023. Pagkatapos, sinampahan siya ng kasong kriminal at pinaratangang nagsasagawa ng ekstremistang gawain. Ang totoo, mapayapang pagsamba niya sa Diyos kasama ng mga kapananampalataya niya ang itinuturing nilang “krimen.” Sinabi ni Sona: “Hindi maintindihan ng prosecutor na imposibleng maging isang Saksi ni Jehova at maging ekstremista nang sabay.”
Noong Pebrero 6, 2024, pinagtibay ng appeal court ang hatol laban kay Dmitriy Barmakin. Mula sa korte, idineretso na siya sa bilangguan para tapusin ang walong-taóng sentensiya sa kaniya. Noong Hulyo 2018, pinasok ng mga armadong pulis ang apartment ni Dmitriy at ng asawa niya, si Yelena, kung saan inaalagaan nila ang 90-anyos na lola ni Yelena. Dinala sina Dmitriy at Yelena pabalik sa Vladivostok, kung saan sila galing. Doon inaresto si Dmitriy. Pagkatapos, isang kasong kriminal ang sinimulan laban sa kaniya sa paratang na “pag-oorganisa ng mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon.” Nasa detention center siya ngayon sa Khabarovsk Territory at lalaya sa Nobyembre 2029. Nililitis din si Yelena dahil sa pananampalataya niya.
Noong Pebrero 29, 2024, si Aleksandr Chagan, 53 years old at may asawa, ay hinatulan ng Tsentralniy District Court of Tolyatti sa Samara Region. Sinentensiyahan siyang mabilanggo nang walong taon, isa sa pinakamahabang sentensiyang ipinataw sa mga lalaking Saksi sa Russia. Pagkatapos siyang litisin, idineretso na siya sa bilangguan mula sa korte. Sa ngayon, nasa Detention Center No. 4 siya sa Samara Region at lalaya sa Enero 2032.
Noong Marso 5, 2024, siyam na lalaking Saksi ang hinatulang nagkasala ng ekstremismo ng isang korte sa Irkutsk Region sa eastern Siberia. Ang siyam na lalaking ito, na 72 ang pinakamatanda, ay pinatawan ng magkakaibang sentensiya, at hanggang pitong taon ang pinakamahaba. Nagsimula ang mga kasong kriminal laban sa kanila noong Oktubre 2021 matapos halughugin ng mga pulis ang mga bahay ng mga Saksi. Noong sentensiyahan sila, isa sa kanila, si Yaroslav Kalin, ang mahigit dalawang taon nang nasa pretrial detention. Sinabi niya na mahirap mabilanggo “sa mga seldang napakalala ng mga kondisyon.”
Noong Abril 2024, si Rinat Kiramov, na nasentensiyahan ng pitong taon, ay dinala ng mga awtoridad sa isang medical correctional facility sa pag-aakalang mayroon siyang tuberculosis. Noong Nobyembre 2021, sinampahan ng kasong kriminal ang 36 years old na si Rinat sa bintang na ekstremista siya. Pagkatapos ng isa at kalahating taon niya sa detention center, nasentensiyahan siya ng pitong taong pagkakabilanggo. Nang dalhin si Rinat sa medical facility, binugbog siya ng isang grupo ng mga bilanggo at kinuryente pa nga. Hindi rin siya pinatulog at pinakain nang apat na araw. Pagkatapos siyang matingnan ng doktor, nalaman na wala siyang tuberculosis. Kaya ibinalik si Rinat sa penal colony noong Mayo 17, 2024. Inaasahang palalayain siya sa Disyembre 2027.
Noong Hunyo 20, 2024, tatlong lalaking Saksi na nakatira sa Khabarovsk ang nasentensiyahan. Ito ang pinakamahahabang sentensiya na ibinigay ng korte sa Russia sa mga Saksi ni Jehova mula noong buwagin ang lahat ng legal na korporasyon ng mga Saksi. Nasentensiyahan si Nikolay Polevodov ng walong taon at anim na buwan, walong taon at apat na buwan naman si Vitaliy Zhuk, at walong taon at dalawang buwan si Stanislav Kim. Hinatulan silang nagkasala ng pag-oorganisa ng gawain ng ekstremistang organisasyon. Pero ang totoo, payapa lang silang nagbabasa at nag-aaral ng Bibliya kasama ang pamilya nila at mga kapananampalataya. Noong Oktubre 2024, binawasan ng isang taon ang sentensiya nila at sumailalim sila sa probation. Dahil dito, pinalabas mula sa bilangguan ang tatlong kapatid natin na ito.
Patuloy na Panawagang Itigil Na ang Di-makatarungang Pagbibilanggo
Napakasakit sa mga Saksi ni Jehova na makita ang malupit na pagtrato ng Russia sa mga kapananampalataya nila. Milyon-milyong Saksi sa buong mundo ang nagpadala ng mga liham sa mga opisyal ng gobyerno sa Russia, na nagsusumamo sa kanila alang-alang sa nakakulong na mga Saksi. Umapela na ang mga abogado nila sa lahat ng antas ng mga hukuman sa Russia at nagsumite ng maraming aplikasyon sa European Court of Human Rights. Nagsumite rin ng complaints ang mga Saksi ni Jehova sa UN Human Rights Committee at sa UN Working Group on Arbitrary Detention at nagbigay sila ng mga report sa internasyonal na mga organisasyon na sumusubaybay sa mga pang-aabuso sa mga karapatang pantao. Ipagpapatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang mga pagsisikap nila na ipaalám ang kalagayan ng mga kapananampalataya nila sa Russia para huminto na ang matinding relihiyosong pag-uusig na ito.
Time Line
Oktubre 18, 2024
May 131 Saksi na nakakulong.
Oktubre 24, 2023
Naglabas ang UN Human Rights Committee (CCPR) ng dalawang View tungkol sa Local Religious Organization ng Elista at Abinsk. Sa dalawang kaso, sinabi ng CCPR na nilabag ng Russia ang karapatan ng mga Saksi sa ilalim ng Article 18.1 (“karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, konsensiya at relihiyon”) at 22.1 (“karapatan sa kalayaan sa pagtitipon”) ng International Covenant on Civil and Political Rights. Pinagtitibay ng mga desisyong iyan na ang mga relihiyosong literatura nila ay hindi nanghihikayat sa mga tao na mapoot o maging marahas.
Hunyo 7, 2022
Nag-release ang ECHR ng mahalagang desisyon, Taganrog LRO and Others v. Russia, na kumokondena sa ginagawang kawalang-katarungan ng Russia sa mga Saksi ni Jehova.
Enero 12, 2022
Idinagdag ng Ministry of Justice of the Russian Federation ang JW Library sa Federal List of Extremist Materials. Ito ang una at tanging app na ipinagbabawal sa Russia at itinuturing na ekstremista.
Setyembre 27, 2021
Ibinasura ng Saint Petersburg City Court ang apela laban sa desisyon noong Marso 31, 2021, na nagdeklarang ekstremista ang JW Library app at ipinagbawal ang paggamit nito sa buong Russian Federation at Crimea. Agad na ipapatupad ang orihinal na desisyon ng korte.
Abril 26, 2019
Nalaman ng UN Working Group on Arbitrary Detention na nilabag ang mga karapatan ni Dimtriy Mikhailov at tinuligsa nito ang pag-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova.
Abril 20, 2017
Nagdesisyon ang Korte Suprema ng Russia na ipasara ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova at buwagin ang 395 Local Religious Organizations.