MAYO 10, 2018
RUSSIA
Dininig ng Oryol Court ang Unang Testimonyo sa Paglilitis kay Dennis Christensen
Noong Abril 23, 2018, ipinagpatuloy ang paglilitis kay Dennis Christensen sa Zheleznodorozhniy District Court ng Oryol. Si Mr. Christensen, isang mamamayan ng Denmark at isang Saksi ni Jehova, ay inaresto habang dumadalo sa relihiyosong pagpupulong noong Mayo 2017 at ikinulong mula noon bago pa man litisin.
Pinaratangan ng prosecutor, na si Mr. Fomin, si Mr. Christensen ng ‘pag-oorganisa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon,’ ang Local Religious Organization (LRO) ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol, na binuwag noong Hunyo 2016 dahil sa di-makatarungang paratang ng ekstremismo. Tinutulan ng mga abogado ni Mr. Christensen ang mga paratang dahil ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol ay hindi legal na korporasyon, kundi isang grupo ng mapayapang mananamba na sama-samang nagtitipon para mag-aral ng Bibliya. Idiniin ng kaniyang mga abogado na inamin ng mga awtoridad sa Russia na hindi ipinagbabawal ang relihiyon ng mga Saksi ni Jehova at na iginagarantiya ng konstitusyon ng Russia ang karapatang ipahayag ng isa ang kaniyang relihiyosong paniniwala. * Kaya nang makibahagi si Mr. Christensen sa relihiyosong serbisyo, isinasagawa lang niya ang kaniyang pananampalataya.
Ang testimonyo ay nagsimula noong Abril 24, 2018. Unang tinawag ng prosecutor sa witness stand ang agent mula sa Federal Security Service. Tumestigo ang agent na minatyagan niya sa pamamagitan ng video ang Kingdom Hall sa Oryol mula noong 2017. Pero hindi niya masabi kung ano ang nangyayari sa loob, kasi ipinakikita lang ng video ang mainit na pagbati ni Mr. Christensen sa iba habang pumapasok sila sa gusali. Pagkatapos ay tinawag ng prosecutor ang isang babaeng tagaroon na nakadalo sa pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol. Pero wala siyang masabi tungkol sa mga gawain ni Mr. Christensen kasi nakadalo lang siya ng mga pagpupulong bago mabuwag ang LRO sa Oryol.
Kinabukasan, tinawag ng prosecutor sa witness stand ang 78-anyos na babae, na isang Saksi ni Jehova. Matapos siyang pagtatanungin ng prosecutor sa loob ng dalawa at kalahating oras para makasumpong ng “ebidensiya,” tumestigo lang siya na walang mga director o lider ang mga Saksi at na sa panahon ng mga pagpupulong, hindi sila gumagamit ng mga relihiyosong publikasyon na ipinagbabawal sa Russia.
Ang pagdinig ay magpapatuloy sa Mayo 14, 2018, at nakaiskedyul na magpatuloy nang ilang araw sa buwang iyon. Kung mahahatulan, si Mr. Christensen ay maaaring makulong nang 6 hanggang 10 taon. Nangangamba ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na maaaring mangyari ito, at nababahala sila sa kapakanan ni Mr. Christensen at ng kaniyang asawa, si Irina.
^ par. 3 Para pagtibayin ang desisyon na ipagbawal ang LRO ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol, sinabi ng Supreme Court: “Ang karapatan ng mga miyembro na ipahayag ang kanilang napiling relihiyon ay hindi lalabagin, yamang hindi ipinagkakait sa kanila na maaari silang magsagawa ng kanilang serbisyo sa pagsamba na hindi nauugnay sa pamamahagi ng ekstremistang relihiyosong literatura.”