Pumunta sa nilalaman

ABRIL 6, 2017
RUSSIA

Ipagpapatuloy ng Supreme Court ng Russia ang Pagdinig sa Kasong Ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Abril 7

Ipagpapatuloy ng Supreme Court ng Russia ang Pagdinig sa Kasong Ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Abril 7

Sa pasimula ng pagdinig ng Supreme Court ng Russian Federation ngayon, ikinatuwiran ng Ministry of Justice na kailangang buwagin ang lahat ng legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova dahil ayon sa mga desisyon ng mabababang hukuman, ang ilan sa mga ito ay sangkot sa ekstremistang gawain. Pagkatapos, tinanong ng judge ang kinatawan ng Ministry of Justice kung ang mga pagkilos ng 8 kuwestiyonableng korporasyon ay sapat na basehan para gumawa ng pagkilos laban sa Administrative Center at sa lahat ng 395 korporasyon sa Russia. Itinanong din ng judge kung paano makaaapekto sa pagsamba ng mga Saksi ang pagbuwag sa lahat ng korporasyon, at ilang beses niyang itinanong kung bakit masasabing banta sa kaayusan at kaligtasan ng publiko ang mga Saksi. Nagharap din ng mga tanong ang mga abogado ng nasasakdal para ilantad na determinado ang Ministry of Justice na ganap na ipagbawal ang relihiyon ng mga Saksi ni Jehova, hindi lang basta buwagin ang legal na mga korporasyon nila.

Ipagpapatuloy ang pagdinig sa Abril 7, 2017, alas-diyes ng umaga.