Pumunta sa nilalaman

HUNYO 8, 2017
RUSSIA

Iginawad ni Pangulong Putin ang Parenting Award sa mga Saksi ni Jehova

Iginawad ni Pangulong Putin ang Parenting Award sa mga Saksi ni Jehova

NEW YORK—Noong Mayo 31, 2017, sa isang seremonya sa Moscow sa Kremlin, iginawad ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia ang Order of “Parental Glory” kina Valeriy at Tatiana Novik, mga Saksi ni Jehova mula sa Karelia, na nagpalaki ng walong anak.

Ang seremonya ay idinaos sa Kremlin noong gabi ng International Children’s Day.

Ang Order of “Parental Glory” ay pinasimulan sa pamamagitan ng presidential decree noong Mayo 2008. Ipinagkakaloob ng Russia ang karangalang ito sa mga magulang na nagpalaki ng di-kukulangin sa pitong anak at nagpakita ng pambihirang pangangalaga sa kalusugan at edukasyon ng kanilang pamilya, gayundin sa kanilang pisikal, mental, at moral na pagsulong. Ang mga pamilyang ginawaran ng Order ay itinuturing na mga huwaran na nagpapatatag sa institusyon ng pamilya.

Si Valeriy Novik, isang ama na may walong anak, na tumatanggap ng medalya ng Order of “Parental Glory” mula kay Pangulong Putin.

Si David A. Semonian, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan, ay nagsabi: “Itinuturing namin ang gantimpalang ito bilang pagkilala na ang libreng pag-aaral sa Bibliya na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ay nakatutulong sa mga magulang at sa kanilang mga anak na maging kapaki-pakinabang na mga mamamayan hindi lang sa Russia kundi sa buong daigdig. Inaasahan namin na ang gantimpalang ito na iginawad ni Pangulong Putin ay isasaalang-alang sa Hulyo 17, 2017, kapag sinuri ng Supreme Court ng Russia ang desisyon na kumpiskahin ang Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.”

Media Contact:

David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000