NOBYEMBRE 24, 2017
RUSSIA
Oryol Court—Pinalawig Muli ang Pagkakakulong ni Dennis Christensen
Matapos ang tatlong-oras na pagdinig noong Nobyembre 20, 2017, pinalawig ng Sovietskiy District Court ng Oryol, Russia, ang pagkakakulong ni Dennis Christensen, nang walang paglilitis, hanggang sa Pebrero 23, 2018. Ito na ang ikalawang pagkakataon na pinalawig ng korte ang pagkakakulong ni Mr. Christensen nang tatlo pang buwan. Siya ay nakakulong mula pa noong Mayo 2017, nang i-raid ng mga pulis ang dinaluhan niyang mapayapang relihiyosong pagtitipon sa Oryol.
Si Mr. Christensen ay isang mamamayan ng Denmark at isa sa mga Saksi ni Jehova. Bago ang pag-aresto sa kaniya, nagdesisyon ang Supreme Court ng Russia na ipagbawal ang relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova at ideklara silang ekstremista. Muling pinalawig ng district court ang pagkakakulong ni Mr. Christensen para makapagtipon pa ang mga imbestigador ng “ebidensiya” na susuporta sa paratang na ilegal na pagsasagawa ng relihiyosong gawain. Tumanggi ang korte na isailalim siya sa house arrest habang isinasagawa ang imbestigasyon. Binale-wala rin ng korte ang pangako ng gobyerno ng Denmark na hindi ito mag-iisyu ng passport kay Mr. Christensen ni tutulungan man siya na makalabas ng bansa.
Nang arestuhin si Mr. Christensen, siya at ang kaniyang asawa, na isang Russian, ay nagsasagawa ng kanilang karapatan sa malayang pagsamba at pagtitipon. Puwedeng ipag-utos ng korte na manatili siyang nakakulong nang hanggang dalawang taon nang hindi nililitis. Kapag nahatulan, maaari siyang masentensiyahan ng pagkabilanggo nang anim hanggang sampung taon.