Pumunta sa nilalaman

MAYO 29, 2017
RUSSIA

Ni-raid ng mga Pulis ng Russia ang Relihiyosong Pagtitipon sa Oryol at Ikinulong ang Mamamayan ng Denmark

Ni-raid ng mga Pulis ng Russia ang Relihiyosong Pagtitipon sa Oryol at Ikinulong ang Mamamayan ng Denmark

Noong Mayo 25, 2017, pinahinto ng armadong mga opisyal ng pulis at mga agent ng Federal Security Service (FSB) ang mapayapa at lingguhang relihiyosong pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol, Russia. Sinabi ng mga awtoridad na nagsasampa sila ng kaso laban sa mga Saksi dahil daw sa patuloy nitong ginagawa ang gawain ng isang ekstremistang organisasyon. Binuwag ng gobyerno ang Oryol Local Religious Organization (LRO) sa paratang na ekstremismo noong Hunyo 14, 2016. Gumawa rin ang mga awtoridad ng rekord ng personal na impormasyon ng lahat ng dumalo sa relihiyosong pagtitipon, kinumpiska ang kanilang elektronikong mga gadyet, at saka hinalughog ang mga bahay ng mga Saksi sa Oryol.

Dinala ng mga awtoridad ang mga lalaki ng Oryol congregation sa mga tanggapan ng FSB at ikinulong ang isang mamamayan ng Denmark, si Dennis Christensen, na isang elder ng kongregasyon. Gumawa ng apurahang petisyon ang prosecutor sa Sovietskiy District Court na humihiling na panatilihin sa kulungan si Mr. Christensen bago pa ang paglilitis para bigyan ng panahon ang FSB na magtipon ng ebidensiya at humanap ng mga saksi para patunayan ang kanilang kaso. Ipinagkaloob ni Judge Svetlana Naumova ang petisyon, na nag-uutos na si Mr. Christensen ay ibilanggo nang dalawang buwan bago pa ang paglilitis. Magsasampa sa araw na ito ng reklamo laban sa utos. Kung mahahatulan, maaari siyang mabilanggo nang anim hanggang sampung taon sa ilalim ng Article 282.2, part 1, ng Criminal Code.

Ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Oryol ay nagdaraos ng relihiyosong pagtitipon bilang isang grupo ng mga mananamba—hindi ito isang legal na korporasyon. Ipinakikita ng ginawang ito ng mga awtoridad ng Russia na pinupuntirya nila ang pagsamba ng mga Saksi at hindi lang ang kanilang legal na mga korporasyon (LRO). Katulad ito sa naranasan ng mga Saksi sa lunsod ng Taganrog, kung saan binuwag muna ng mga awtoridad ang LRO at saka kinasuhan ng ekstremismo ang 16 na Saksi dahil patuloy silang nagtitipon para sa mapayapang pagsamba. Noong Nobyembre 2015, lahat ng 16 ay nahatulan pero ang kanilang mga sentensiya at multa ay sinuspinde. Ang kanilang kaso ay pinag-aaralan ngayon ng European Court of Human Rights.