ABRIL 10, 2015
RUSSIA
Saksi sa Russia, Isinauli ang Napulot na 6,000 Euro
ST. PETERSBURG, Russia—Noong Nobyembre 2014, si Svetlana Nemchinova, isang Saksi ni Jehova, ay nakapulot sa kalsada ng sobreng naglalaman ng 6,000 euro (mahigit $6,800 U.S.). Pagkatapos ng matagal na paghahanap sa may-ari, naisauli niya ang pera. Napaulat sa telebisyon, radyo, at ilang balita sa Internet ang kabaitan ni Ms. Nemchinova.
Si Ms. Nemchinova ay isang street cleaner sa lunsod ng Vologda, mga 450 kilometro sa hilagang-silangan ng Moscow. Habang nagtatrabaho, nakakita siya ng isang sobre. Nang buksan niya ito, nakita niyang naglalaman ito ng malaking halaga. Bagaman si Ms. Nemchinova at ang kaniyang tatlong anak ay namumuhay nang simple sa isang 12-metro-kuwadradong apartment, sinabi niya: “Hindi ko man lang inisip na itago ang pera. Naisip ko agad ang may-ari na tiyak na alalang-alala na.”
Para mahanap ni Ms. Nemchinova ang may-ari ng sobre, nagpaskil siya ng notice sa kalapít na mga gusali. Nang walang tumugon, dinala ni Ms. Nemchinova ang pera sa isang kalapít na bangko, dahil ang sobre ay mayroon ding resibo na may pangalan ng bangkong iyon. Natukoy ng bangko na ang pera ay kay Pavel Smirnov. Matapos na ilang ulit na kontakin si Mr. Smirnov, naipagbigay-alam din ng bangko sa kaniya na napulot ni Ms. Nemchinova ang kaniyang pera.
Isang artikulong inilathala sa pahayagang Premier sa Russia ang nagsabi: “Walang nakikitang espesyal si Svetlana sa ginawa niya. Relihiyosa siya at regular na nagbabasa ng Bibliya.” Ipinaliwanag din ni Ms. Nemchinova sa Premier na ginawa niya iyon dahil sinunod niya ang kadalasa’y tinatawag na Gintong Aral mula sa Mateo 7:12: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”
Si Mr. Smirnov ay isang artist na nakaimbento ng isang espesyal na timpla ng pintura. Iniipon niya ang pera para makabili ng espesyal na kagamitan para sa karagdagang pananaliksik tungkol sa mga pantina. “Talagang nagpapasalamat ako kay Svetlana,” ang sabi ni Mr. Smirnov. “Dahil sa ginawa ni Svetlana, naibalik ang tiwala ko sa mga tao. Isa lang ang masasabi ko: ‘Talagang may Diyos!’”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Russia: Yaroslav Sivulskiy, tel. +7 812 702 2691