MAYO 1, 2018
RUSSIA
Tangkang Pagkumpiska ng mga Awtoridad sa Russia sa Pag-aari ng US Corporation ng mga Saksi ni Jehova
NEW YORK—Sa Huwebes, Mayo 3, 2018, diringgin ng Saint Petersburg City Court ang apela ng mga Saksi ni Jehova laban sa desisyong kumpiskahin ang kanilang dating pambansang tanggapan sa Russia. Kapag ipagkait ang apela, puwedeng kumpiskahin agad ng Estado ang 14 na gusali. Ang pag-aari ay may sukat na mga 10 ektarya at nagkakahalaga ng mga $31.8 milyon (2 bilyong ruble).
Hindi kinilala ng orihinal na desisyon ng Sestroretskiy District Court noong Disyembre 2017 ang ebidensiya na ang tanggapan ng mga Saksi ay pag-aari ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania (WTPA), isang nonprofit na korporasyong nakabase sa United States. Inilipat ng mga Saksi ni Jehova sa Russia ang pag-aari sa WTPA noong 2000, at mula noon, ang WTPA ay nagbayad ng mga $3 milyon (188 milyong ruble) bilang buwis para sa pag-aari sa Russian Federation. Bagaman kinikilala ng gobyerno ng Russia ang legal na paglipat sa loob ng mahigit 17 taon, iginigiit ngayon ng district court na walang bisa ang kontrata ng pagmamay-ari ng WTPA. Dahil dito, ipinahayag ng korte na ito ay pag-aari talaga ng Administrative Center (AC) ng mga Saksi sa Russia. Yamang ang AC ay binuwag ng Supreme Court noong 2017, kung matatalo ang mga Saksi sa apela, ang desisyon ay ipatutupad at puwedeng kumpiskahin agad ng Estado ang pag-aari.
Ang mga pagdinig ay gaganapin sa ganap na 11:30 a.m. sa Saint Petersburg City Court, ul. Basseynaya, 6, St. Petersburg, Russia.
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000