Pumunta sa nilalaman

Ang delegasyon, mula kaliwa pakanan: Alberto Rovira (Spain), Peter Hamadej (Slovakia), Andrejs Gevla (Latvia), Chong Ho (Korea), Yaroslav Sivulskiy (Russia), Johann Zimmermann (Austria), Stefan Steiner (Switzerland), Vasiliy Kalin (Russia), Tommi Kauko (Finland), Mark Sanderson (United States), Robert Delahaije (Netherlands), Marc Hansen (Belgium), Paul Gillies (United Kingdom), Lars-Erik Eriksson (Sweden), Tommy Jensen (Denmark), Jørgen Pedersen (Norway), Manfred Steffensdorfer (Germany), Teemu Konsti (Lithuania), Babis Andreopoulos (Greece), Tambet Ernits (Estonia), Jean-Claude Pons (France)

HULYO 21, 2017
RUSSIA

Pagsuporta ng Internasyonal na Delegasyon ng mga Kapatid sa mga Kapuwa Nila Saksi sa Russia sa Pagdinig ng Supreme Court sa Apela

Pagsuporta ng Internasyonal na Delegasyon ng mga Kapatid sa mga Kapuwa Nila Saksi sa Russia sa Pagdinig ng Supreme Court sa Apela

NEW YORK—Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagsaayos ng delegasyon ng mga kapatid mula sa tatlong kontinente para magtungo sa Moscow at ipakita ang suporta nila sa mga kapatid sa Russia.

Pagdating ng delegasyon, masaya silang sinalubong ng mga kapatid sa Russia, na ang ilan ay nanggaling pa sa malayong lugar gaya ng Siberia. Tiniyak ng delegasyon sa mga kapatid sa Russia ang pagkabahala nila at ang taos-pusong panalangin ng mga kapatid sa buong mundo. Sinabi ng isang miyembro ng delegasyon: “Talagang naantig ako sa lakas ng loob ng ating mga kapatid sa Russia, kahit napakaliit ng tsansang baligtarin ang di-makatarungang desisyon na ipagbawal ang kanilang gawain.”

Sa kabila ng negatibong desisyon ng panel na binubuo ng tatlong hukom, damang-dama ang tunay na pag-ibig at pagkakaisa sa loob ng hukuman. Nalungkot ang mga kapatid nang marinig nilang sinisiraan ang pangalan ni Jehova sa publiko at sa pagkaalam na maaaring mapaharap sa panahon ng pagsubok ang mga Saksi sa Russia. Gayunman, ang dignidad at pagmamahal na ipinakita ng mga kapatid sa hukuman ay sapat nang ebidensiya para pasinungalingan ang maling paratang na “ekstremismo,” na itinaguyod ng mga hukom na dumirinig sa apela.

Si Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nanguna sa delegasyon. Pinatibay niya ang mga kapatid na ‘magpakatatag at magpakalakas-loob’ sa darating na mga araw. Habang papalabas ng hukuman ang delegasyon ng mga kapatid, niyakap sila ng mga kapatid sa Russia at pinasalamatan dahil sa kanilang pagsuporta sa makasaysayang pangyayaring ito.

Binisita rin ng delegasyon ang 21 embahada sa Moscow para magbigay ng tumpak na impormasyon hinggil sa negatibong epekto ng pagsalakay ng Russia sa mga Saksi ni Jehova. Kabilang dito ang mga insidente ng pagsunog sa mga bahay ng mga Saksi, pagsesante sa kanila, panggigipit sa mga bata sa paaralan, at pagsasampa ng kasong kriminal laban sa ilang elder dahil sa pag-oorganisa ng mga Kristiyanong pagpupulong, pati na ang tungkol kay Brother Dennis Christensen, na nakabilanggo pa rin bago pa man litisin. Ikinalungkot ng mga ambassador ang napanood nilang dalawang-minutong video ng mga pangyayaring ito. Ang karaniwang tanong ng mga opisyal ay, ‘Bakit ang mga Saksi ni Jehova?’ Bilang sagot, ang ating mga kapatid ay nakapagbigay ng mapuwersang patotoo sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na neutral ang mga miyembro ng ating organisasyon pagdating sa politika at na nakatulong sa buhay ng maraming taga-Russia ang ating gawaing pangangaral. Sinabi ng isang ambassador: “Ayaw ng Orthodox Church na nangangaral kayo sa kanilang mga miyembro.” Mahigit sa 10 embahada ang nagpadala ng mga kinatawan nila sa pagdinig sa korte at nanatili roon nang walong oras.

Ang pananampalataya ng internasyonal na delegasyon ng mga kapatid ay lalong tumibay nang umalis sila ng Russia dahil sa determinasyon ng kanilang mga kapatid doon na manatiling matapat at sa pagkakataon nilang makapagbigay ng mabisang patotoo sa mga opisyal.

Media Contact:

David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000