Pumunta sa nilalaman

ENERO 23, 2015
RUSSIA

Desisyon ng Russian Federation Supreme Court—Posibleng Magsapanganib sa mga Saksi ni Jehova sa Russia

Desisyon ng Russian Federation Supreme Court—Posibleng Magsapanganib sa mga Saksi ni Jehova sa Russia

Noong Nobyembre 12, 2014, pinagtibay ng Korte Suprema ng Russian Federation ang desisyon ng mababang hukuman na nagsasabing ekstremista ang Local Religious Organization (LRO) ng mga Saksi ni Jehova sa Samara. Kinasuhan ng prosecutor’s office sa Samara noong 2014 ang Samara LRO matapos halughugin ng mga pulis ang mga pasilidad na inuupahan ng mga Saksi para sa kanilang mga pagtitipon at “masumpungan” ang ilang publikasyon ng kanilang relihiyon na ipinagbabawal sa buong bansa. Ang ipinagbabawal na mga publikasyon ay idineklara nang ekstremista ng mga korte sa Russia at isinama sa Federal List of Extremist Materials ng Ministry of Justice. * Gayunman, inalis na ng mga Saksi sa Samara ang mga publikasyong iyon sa mga inuupahan nilang pasilidad bilang pagsunod sa desisyong ito ng korte sa Russia.

Sa harap ng mababang hukuman at ng Korte Suprema, ikinatuwiran ng mga Saksi na ang mga pulis ang naglagay ng ipinagbabawal na mga literatura para makapagsampa ng kaso. Ipinaliwanag din ng mga Saksi na ang legalidad ng naunang desisyon ng korte ng Russia hinggil sa pagbabawal sa ilang literatura nila ay kasalukuyan pang sinusuri ng European Court of Human Rights. Sinabi rin nila na kung totoo man ang mga paratang ng prosecutor ng Samara—na itinatago ng mga Saksi ang ipinagbabawal na mga literatura—mabigat pa rin ang parusa para sa isang maliit na paglabag. Ang pagtatago ng ipinagbabawal na mga literatura ay kasong administratibo na ang parusa ay pagmumulta o kaya’y pansamantalang pagsuspinde sa gawain ng LRO, at hindi ang pagbuwag dito. Pero ibinasura ng Korte Suprema ang mga argumentong ito.

Pagbuwag sa Legal na Korporasyon—Pagdedemanda Na Ba ang Kasunod?

Ang pagbuwag sa Samara LRO ay may pagkakatulad sa kaso sa lunsod ng Taganrog, kung saan iniutos ng Rostov Regional Court na buwagin ang LRO doon noong 2009 dahil sa paratang ng pagiging ekstremista. Itinuring ng mga awtoridad ng Taganrog na ang desisyong iyon ay nangangahulugan na rin ng aktuwal na pagbabawal sa relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. Kinasuhan ang 16 na Saksi sa Taganrog noong 2013 dahil lang sa pagsasagawa ng kanilang relihiyosong gawain, na ginagawa rin ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, kasama na sa Samara. Pinagmulta nang malaki ang pitong Saksi; apat sa mga ito, na pawang mga elder sa kongregasyon, ang nasentensiyahan ng mahabang pagkabilanggo. Pero kinansela ng hukom ang ipinataw na mga multa dahil ang imbestigasyon at ang paglilitis ay lumampas sa panahong itinakda para sa pagsasampa ng kaso o pagpaparusa, Saksi. Noong Disyembre 12, 2014, iniutos ng Rostov Regional Court na magkaroon ng panibagong paglilitis at bagong judge.

Ang 1,500 Saksi ni Jehova sa rehiyon ng Samara ay nanganganib ngayon na makasuhan dahil lang sa kanilang relihiyosong gawain. Ano ang kahihinatnan ng lahat ng ito? Ang mga awtoridad sa Russia ay nagsasagawa na rin ng imbestigasyon sa mga LRO ng mga Saksi sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Hindi pa rin tiyak kung ano ang magiging epekto ng mga paghihigpit na ito ng estado sa halos 180,000 Saksi sa Russia. Pero ang desisyong ito ng Korte Suprema ay posibleng magsapanganib sa kalayaan ng mga Saksi ni Jehova at ng iba pang maliliit na grupo ng relihiyon sa Russia.

^ par. 2 Sa kasalukuyan, 73 relihiyosong publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ang kasama sa Federal List of Extremist Materials. Ang isa sa mga publikasyong natagpuan sa inuupahang pasilidad ng Samara LRO ay ang aklat na Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos. Inilalathala ito sa 158 wika at nakapamahagi na ng 23,970,207 kopya sa buong daigdig. Ang isa pang aklat na natagpuan ay Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala sa 166 na wika at nakapamahagi ng 100,944,355 kopya sa buong daigdig. Umapela ang mga Saksi ni Jehova sa European Court of Human Rights, anupat tinutulan ang desisyon ng korte sa Russia na nagdedeklarang ekstremista ang kanilang mga publikasyon.