ABRIL 21, 2017
RUSSIA
Nagdesisyon ang Supreme Court na Ilegal ang Gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia
Sa kabila ng pagtuligsa ng mga bansa, nagdesisyon ang Supreme Court ng Russia na ilegal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Kinatigan ni Judge Yuriy Grigoryevich Ivanenko ng Supreme Court ang kahilingan ng Ministry of Justice na “buwagin ang relihiyosong organisasyon na ‘Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russia’ at ang mga local religious organization na bahagi nito [at] ibigay sa Russian Federation ang lahat ng ari-arian ng binuwag na relihiyosong organisasyon.”
Sinabi pa ni Judge Ivanenko na kaagad ipatutupad ang desisyon. Winawakasan ng desisyong ito ang lahat ng gawain ng legal na mga korporasyon ng mga Saksi sa buong Russia. Bagaman inaapela pa ng mga Saksi ni Jehova ang desisyon sa Appellate Chamber of the Supreme Court, kaagad na ipatutupad ang desisyon na nagbabawal sa kanilang pagsamba.
Si Vasiliy Kalin, na sa edad na apat ay ipinatapon sa Siberia kasama ng kaniyang mga magulang dahil sa kanilang pananampalataya bilang mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi: “Mula nang ipahayag ang hatol, talagang nagbago ang pamumuhay ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, bilang mga indibiduwal at mga pamilya. Nanganganib sila ngayong pag-usigin at makulong dahil lang sa pagsasagawa ng kanilang pananampalataya.”
Sinabi ni Philip Brumley, General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova: “Ang desisyon sa araw na ito ay malaking kabiguan. Ang walang kinikilingan na pag-aaral sa nasusulat na mga akusasyon at iniharap na ebidensiya ay hahantong lang sa isang lehitimong konklusyon—hindi kailanman nagsagawa ng anumang tinatawag na ekstremistang gawain ang Administrative Center. Inaapela namin ang desisyong ito.”