Pumunta sa nilalaman

HULYO 18, 2017
RUSSIA

Pinagtibay ng Supreme Court ng Russia ang Naunang Desisyon Nito na Sampahan ng Kasong Kriminal ang mga Saksi ni Jehova

Pinagtibay ng Supreme Court ng Russia ang Naunang Desisyon Nito na Sampahan ng Kasong Kriminal ang mga Saksi ni Jehova

Noong Hulyo 17, 2017, bilang pagwawalang-bahala ng Russia sa mga commitment nito sa mga bansa na poprotektahan ang kalayaan sa pagsamba, pinagtibay ng Supreme Court ng Russia ang naunang desisyon nito na sampahan ng kasong kriminal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Agad na ipinatupad ang desisyon na nagbabawal sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa buong bansa.

Ibinasura ng tatlong hukom ng Appellate Chamber ng Supreme Court ang apela ng mga Saksi at itinaguyod ang desisyon ni Judge Yuriy Ivanenko sa Korte noong Abril 20. Nagdesisyon siya pabor sa sinabi ng Ministry of Justice na “buwagin ang relihiyosong organisasyon na ‘Administrative Center of Jehovah’s Witnesses in Russia’ at ang lokal na mga relihiyosong organisasyon na bahagi nito [at] ibigay sa Russian Federation ang lahat ng nakumpiskang ari-arian ng relihiyosong organisasyon.”

Mga miyembro ng legal team para sa Administrative Center

Isinasapanganib ng desisyon ang kaligtasan at kapakanan ng mahigit 175,000 Saksi ni Jehova sa Russia. Sinabi ni Philip Brumley, General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova: “Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay lubhang nababahala sa kapakanan ng kanilang espirituwal na mga kapatid sa Russia. Dahil sa desisyon ng appellate chamber, nagtitinging legal ang mga pang-aabuso sa mga Saksi ni Jehova sa Russia at inihahantad sila sa pag-uusig na parang kriminal at dumaranas ng higit pang pang-aabuso. Itinakwil sila sa kanila mismong bansa.”

Ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay umapela para sa katarungan sa European Court of Human Rights at sa UN Human Rights Committee. Samantala, nananalangin ang kanilang mga kapananampalataya sa buong daigdig na sana’y pag-isipang muli ng gobyerno ng Russia ang pananaw nito at igalang ang mahalagang karapatang pantao para makapagpatuloy ang mga Saksi na “mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon,” gaya ng binabanggit sa 1 Timoteo 2:2.