Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 1, 2014
RUSSIA

Mga Saksi Umapela sa Russian Federation Supreme Court Tungkol sa Pagbuwag sa Kanilang Legal na Korporasyon sa Samara

Mga Saksi Umapela sa Russian Federation Supreme Court Tungkol sa Pagbuwag sa Kanilang Legal na Korporasyon sa Samara

Noong Oktubre 8, 2014, dininig ng Russian Federation Supreme Court ang apela ng mga Saksi ni Jehova sa Samara may kinalaman sa pagbuwag sa kanilang Local Religious Organization (LRO). Bago nito, ipinahayag sa desisyon ng mababang hukuman na ekstremista ang Samara LRO. Kung hindi babaligtarin ng Korte Suprema ang desisyong ito, mapapaharap sa malaking problema ang mahigit 1,500 Saksi sa Samara.

Naging Agresibo ang Samara Regional Prosecutor’s Office

Nagsimula ang paglilitis laban sa LRO noong Abril 2014, nang magsampa ng kaso ang Samara Regional Prosecutor’s Office sa Samara Regional Court upang buwagin ang LRO dahil sa “ekstremistang gawain.” Bago pa man dinggin ang kaso sa regional court, sinuspende na ng prosecutor’s office ang LRO at pansamantalang kinuha ang pag-aari nito. Kasunod ng desisyong ito, at bago pa magsimula ang paglilitis, isinama ng Ministry of Justice ng Russian Federation ang Samara LRO sa listahan ng mga relihiyosong organisasyon na sinuspende dahil sa ekstremistang gawain. At noong Mayo 29, 2014, nagdesisyon si Judge Shabayeva pabor sa prosecutor at ipinag-utos na buwagin ang LRO at kumpiskahin ang pag-aari nito.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagdemanda ang Samara Regional Prosecutor’s Office sa pagsisikap na buwagin ang Samara LRO. Noong 2009, nagdemanda ang prosecutor’s office at nagkaroon ng paglilitis, pero nang maglaon ay iniurong nito ang demanda. Sa kasalukuyang kaso, ibang taktika naman ang ginamit ng mga pulis para makamit ang kanilang layunin.

Binuwag ng mga Korte sa Russia ang LRO sa Kahina-hinalang mga Dahilan

Noong Enero 2013 at Enero 2014, hinalughog ng mga pulis doon ang mga pasilidad na inuupahan ng mga Saksi para sa kanilang pagsamba at nakasumpong daw roon ng relihiyosong mga publikasyon na nakalista sa Federal List of Extremist Materials. Ang Samara City Prosecutor’s Office ay naglabas ng babala laban sa LRO may kinalaman sa paghalughog na ginawa noong 2013, at nang muling makakita ang mga pulis ng relihiyosong mga publikasyon noong Enero 2014, nagsampa ng kasong administratibo ang prosecutor’s office. Noong Marso 7, 2014, hinatulan ng Sovetskiy District Court ng Samara ang LRO na may-sala at pinagmulta ng 50,000 rubles ($1,383, U.S.). Kumbinsido ang mga Saksi sa Samara na sa dalawang paghalughog na iyon, ang mga pulis ang naglagay ng mga publikasyon. Isa pa, tutol ang mga Saksi ni Jehova sa desisyon ng hukuman sa Russia na ekstremista ang kanilang mga publikasyon, kaya umapela sila sa European Court of Human Rights.

Nang makuha ng Samara Regional Prosecutor’s Office ang kopya ng desisyon sa Sovetskiy District Court, idinemanda nito ang LRO noong Abril 2014 sa Samara Regional Court sa kasong ekstremismo. Ginawa ito sa layuning buwagin ang LRO. Sa harap ni Judge Shabayeva, nangatuwiran ang mga abogado ng mga Saksi na ang pagbuwag sa LRO ay walang saligan at na hindi ekstremista ang gawain ni ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova o ng LRO. Sinabi rin nila na ang “ipinagbabawal” na mga publikasyon ay inilagay lang ng mga pulis noong naghalughog sila. Sa kabila nito, si Judge Shabayeva ay nagdesisyong buwagin ang Samara LRO.

Patuloy Bang Hahadlangan ng mga Awtoridad sa Russia ang Kalayaan sa Pagsamba?

Ang kaso sa Samara ay katulad ng ginawa ng mga pulis ng Russia sa mga Saksi ni Jehova sa Taganrog, kung saan unang ginamit ng mga pulis ang Federal Law on Counteracting Extremist Activity laban sa pagsamba ng mga Saksi. Noong 2009, nagtagumpay ang mga awtoridad sa pagbuwag sa Taganrog LRO, at sa kalaunan, nagsampa sila ng kasong kriminal laban sa indibiduwal na mga Saksi. Dahil dito, pitong Saksi roon ang idinemanda at nahatulang may-sala dahil lang sa pagdalo sa relihiyosong mga pulong. Ikinababahala ng mga Saksi ni Jehova sa Samara na baka maulit ang gayong pangyayari.

Hanggang kailan isasagawa ng mga awtoridad sa Russia ang pagsalakay na ito sa mga Saksi ni Jehova? Mula noong Hunyo 2014, ang mga Saksi sa iba’t ibang bahagi ng Russia ay idinedemanda batay sa maling mga paratang dahil sa pamamahagi ng relihiyosong mga literatura na di-umano’y ekstremista. Umaasa ang mga Saksi ni Jehova sa Samara na bibigyang-katarungan ng Russian Federation Supreme Court ang kanilang kaso.