MAYO 26, 2017
RUSSIA
Ni-raid ng mga Pulis ang Isang Kristiyanong Pagpupulong at Isang Saksi ni Jehova na Mamamayan ng Denmark ang Inaresto at Ikinulong sa Russia
NEW YORK—Dahil sa desisyon ng Supreme Court ng Russian Federation laban sa mga Saksi ni Jehova noong Abril 20, 2017, ni-raid ng mga pulis ang isang mapayapang pagtitipon sa pagsamba noong gabi ng Mayo 25, 2017, at isang mamamayan ng Denmark ang inaresto kasama ang mga mamamayan ng Russia.
Ni-raid ng mga 15 armadong pulis at mga opisyal ng Federal Security Service (FSB) ang mapayapang relihiyosong pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Oryol (tinatawag ding Orel), na nasa larawan sa itaas. Kinuha ng mga pulis ang mga dokumento na pagkakakilanlan ng lahat ng dumalo at kinumpiska ang kanilang elektronikong mga gadyet. Ikinulong din ng FSB si Dennis Christensen, isa sa mga Saksi ni Jehova na mamamayan ng Denmark. Di-nagtagal pagkatapos nito, hinalughog ng mga opisyal ng pulis ang apat na tahanan ng mga Saksi ni Jehova sa buong lunsod.
Pagkatapos nang magdamag na nasa kustodiya ng FSB, tinanggap sa araw na ito ng Soviet District Court ng Oryol ang petisyon ng FSB at ipinag-utos na ikulong si Mr. Christensen bago ang paglilitis hanggang sa matapos ng FSB ang imbestigasyon. Si Mr. Christensen ang kauna-unahang dayuhan na ikinulong ng mga awtoridad na laban sa mga Saksi ni Jehova sa Russia mula nang magdesisyon ang Supreme Court ng Russia. Kapag nahatulan, posibleng makulong nang mahabang panahon si Mr. Christensen.
Ang pag-raid na ito ang pinakabago sa mahigit 40 insidente ng pagsalakay ng mga awtoridad at ng iba pa laban sa mga Saksi ni Jehova pagkatapos silang tawaging mga ekstremista ng Supreme Court ng Russia at kumpiskahin ang Administrative Center ng mga Saksi sa Russia at buwagin ang 395 Local Religious Organization na ginagamit nila sa buong bansa.
Ilang oras lamang pagkatapos ilabas ng Supreme Court ang desisyon nito noong Abril 20, sinira ng isang grupo ng kalalakihan sa St. Petersburg ang pinakamalaking dako ng pagsamba na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa Russia at pinagbantaan pa nga ang mga mananamba. Sinalakay rin ng mga vandal ang iba pang dako ng pagsamba at pati na ang mga tahanan ng mga Saksi sa Kaliningrad, Moscow, Penza, Rostov, St. Petersburg, Sverdlovsk, Voronezh, at Krasnoyarsk. Sa isang insidente, noong Mayo 24, 2017, sa bayan ng Zheshart sa Komi Republic, lubhang napinsala ang isang bahay kung saan dating nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova nang salakayin ito ng mga arsonista. Bukod pa sa mga pag-raid ng mga pulis at bandalismo, sinalakay rin ang indibiduwal na mga Saksi, pinagbantaan sa paaralan at sa trabaho, o nawalan ng trabaho.
Si David A. Semonian, isang tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi, ay nagsabi: “Mas nababahala ngayon ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig tungkol sa mga kapananampalataya namin sa Russia. Ipinakikita ng nakaliligalig na mga pangyayaring ito ang epekto ng di-makatarungang desisyon ng Supreme Court ng Russia laban sa amin. Pormal na naming iniapela ang desisyong ito noong Mayo 19, 2017. Bibigyan nito ang Russia ng isa pang pagkakataon para wakasan ang di-kinakailangan at di-makatarungang pagkilos na ito laban sa mga Saksi ni Jehova. Nagsampa rin kami ng reklamo laban sa di-makatarungang pagkabilanggo ng aming kapananampalataya, si Dennis Christensen.”
Media Contact:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000