Pumunta sa nilalaman

ABRIL 22, 2014
RUSSIA

Mga Mamamayan ng Russia Kinasuhan Dahil sa Pananampalataya

Mga Mamamayan ng Russia Kinasuhan Dahil sa Pananampalataya

Sa kauna-unahang pagkakataon sa makabagong Russia, 16 na Saksi ni Jehova * sa Taganrog ang kinasuhan dahil lang sa nagtitipon sila para sumamba at magsagawa ng kanilang pananampalataya. * Kung mapatutunayang nagkasala, maaari silang pagmultahin nang hanggang 300,000 ruble (10,000 USD) o sa ilang kaso, mabilanggo nang hanggang walong taon. Ang 16 na Saksi ay pinagbawalang umalis sa Taganrog hangga’t wala pang desisyon ang korte.

Nagsimula ang paniniil sa mga Saksi ni Jehova sa Taganrog noong Hunyo 2008 nang hilingin ng Rostov Regional Prosecutor sa korte na buwagin at ipagbawal ang Taganrog Local Religious Organization of Jehovah’s Witnesses. Sinabi rin niya na ang mga literaturang inilalathala ng mga Saksi ni Jehova ay naglalaman ng mga ideyang ekstremista. Pinagbigyan ng trial court ang hiling ng prosecutor, at pinagtibay ng Russian Federation Supreme Court ang desisyon noong Disyembre 8, 2009.

Matapos magdesisyon ang Supreme Court, kinumpiska ng lokal na mga awtoridad ang Kingdom Hall (dako ng pagsamba) ng mga Saksi ni Jehova sa Taganrog, anupat napilitan ang mga Saksi na magtipon sa mga pribadong tahanan. Inutusan din ng korte ang mga awtoridad doon na idagdag sa Federal List of Extremist Materials ang 34 na publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tutol sa mga desisyong ito ang mga Saksi ni Jehova kaya humihingi sila ng katarungan sa European Court of Human Rights.

Ginamit ng mga awtoridad sa Taganrog ang mga pangyayaring ito para ligaligin at takutin ang mga Saksi. Noong 2011, pinasok ng mga alagad ng batas ang 19 na bahay ng mga Saksi nang 6:00 n.u., anupat nagising ang mga pamilya, pati na ang mga may-edad at mga bata, para magsagawa ng 8-hanggang-11-oras na paghahanap ng diumano’y ekstremistang mga literatura. Basta na lang kinumpiska ng mga opisyal ang lahat ng relihiyosong publikasyon at kinuha ang personal na mga gamit ng mga Saksi. Palihim na kinunan ng video ng lokal na mga awtoridad ang mga pulong at ang mga dumalo sa layuning kasuhan ang mga ito. Ang mga pangyayaring ito sa Taganrog ang naging pasimula ng panliligalig at pagmamaltrato ng pamahalaan sa mga Saksi ni Jehova sa buong Russia. *

Ang relihiyon ng mga Saksi ni Jehova ay kilalá sa buong daigdig. Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Russia at ng European Convention on Human Rights ang kalayaan sa relihiyon. Pinagtibay ng matataas na hukuman sa buong daigdig ang karapatang ito para sa mga Saksi ni Jehova. Pero makikita sa ginagawa ng mga opisyal ng pamahalaan sa Taganrog na hindi nararapat ang mga Saksi sa ganitong karapatan.

Patuloy ang paglilitis, at sa Mayo, inaasahang magbababa ng desisyon ang korte kapag narinig na nito ang mga panghuling argumento. Kapag ipinasiya ng korte na nagkasala ang 16 na Saksi, manganganib ang kalayaan ng mahigit 800 Saksi ni Jehova sa Taganrog. Baka gawin din itong batayan para sa mga nakabinbing kasong kriminal laban sa mga Saksi sa ibang bahagi ng Russia.

Sinabi ni Grigory Martynov, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: “Walang basehan ang pakikialam na ito sa kalayaan sa relihiyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi banta sa integridad at seguridad ng Russian Federation. Nangyayari lang ang panliligalig at di-patas na pakikitungong ito dahil sila ay mga Saksi ni Jehova.”

^ par. 2 Pansinin na 10 lang sa 16 ang nasa larawan sa itaas.

^ par. 2 Kinasuhan ng mga awtoridad sa Russia ang 16 na Saksi noong 2012 sa ilalim ng Article 282.2(1) at (2) ng Criminal Code of the Russian Federation, na maaaring may kasamang pagkabilanggo nang hanggang tatlong taon. Apat na elder ang kinasuhan din sa ilalim ng Article 150(4) ng Criminal Code, na maaaring may kasamang pagkabilanggo nang 5 hanggang 8 taon.

^ par. 5 Mula nang maibaba ang desisyon ng Russian Federation Supreme Court noong Disyembre 8, 2009, ibinilanggo ng mga alagad ng batas ang mahigit 1,600 Saksi, ipinagbawal ang mahigit 70 publikasyon nila na “ekstremista,” nilooban at hinalughog ang mahigit 171 bahay at dakong pagsamba ng mga Saksi, at ginulo o ginambala ang 69 na relihiyosong pagtitipon.