Pumunta sa nilalaman

Pinapasok ng mga pulis ang gate ng isang Kingdom Hall sa Nezlobnaya

ENERO 12, 2017
RUSSIA

Tumitindi ang Pag-atake ng Russia sa Kalayaan sa Pagsamba

Tumitindi ang Pag-atake ng Russia sa Kalayaan sa Pagsamba

Sa Enero 16, 2017, muling sisikapin ng mga Saksi ni Jehova sa Russia na tutulan ang matagal nang paghihigpit sa kanilang kalayaan sa pagsamba. Hihilingin nila sa Moscow City Court na pawalang-bisa ang babala laban sa kanilang pambansang punong-tanggapan dahil ilegal ito at walang saligan. Ang babala, na inilabas noong Marso 2, 2016, ni Deputy Prosecutor General V. Ya. Grin, ay nagbabantang buwagin ang pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi kung may matutuklasang bagong ebidensiya ng “ekstremismo” sa loob ng isang taon.

Paghahanap ng Ebidensiya ng Ekstremismo

Ang maling paggamit sa Federal Law on Counteracting Extremist Activity ng mga tagausig ng Russia ang nagsisilbing saligan para sa mga paratang ng ekstremismo laban sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos amyendahan ang batas noong 2006, ang kahulugan ng ekstremismo ay hindi lang sa pagsusulsol ng karahasan sumasaklaw, kundi pati sa “pagpukaw ng di-pagkakasundo sa . . . relihiyon.” Pinahihintulutan ng malabong kahulugang ito na ituring ng mga awtoridad na pag-uudyok ng alitan sa relihiyon ang anumang bagay na salungat sa mga turo ng tradisyonal na mga relihiyon o nagtataguyod ng ibang paniniwala. Sinabi ni Gregory Allen, isang abogado na tumutulong sa pagtatanggol sa kalayaang sumamba ng mga Saksi sa Russia: “Ginagamit ng mga awtoridad sa Russia ang malawak na kahulugang ito para tawaging ‘ekstremista’ ang anumang relihiyosong paniniwala na hindi nila itinuturing na ortodokso.”

Ang paghahanap ng ebidensiya ng “ekstremismo” sa ilang maliliit na relihiyon ay nagsimula noong Enero 2007 sa isang liham ni Deputy Prosecutor General V. Ya. Grin ng Russian Federation sa lahat ng tanggapan ng mga tagausig sa bansa. Dahil itinagubilin sa liham ang pag-iimbestiga, mahigit 100 inspeksiyon sa mga relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ang isinagawa bago matapos ang taon.

Paggawa ng Unang mga “Ebidensiya”

Nangyari ang isa sa mga inspeksiyong ito sa lunsod ng Taganrog, na nasa hilagang-silangang baybayin ng Sea of Azov. Ito ang nagsilbing basehan ng halos lahat ng iba pang paratang ng ekstremismo laban sa mga Saksi ni Jehova sa Russia. Noong Oktubre 2007, natapos ng Rostov Regional Prosecutor’s Office ang imbestigasyon nito at naglabas ito ng babala laban sa Local Religious Organization (LRO) ng mga Saksi ni Jehova sa Taganrog at nang sumunod na taon ay nagsampa ito ng kaso para buwagin ang LRO. Gayunman, dahil walang matibay na ebidensiya ang Prosecutor’s Office, hiniling nito sa Rostov Regional Court na isailalim ng “pagsusuri ng eksperto” ang literatura ng mga Saksi ni Jehova.

Bukod sa pagsasaayos ng “pagsusuri ng eksperto,” kahit tinutulan iyon ng mga Saksi, hindi rin pinagbigyan ang kahilingan ng mga ito na magkaroon ng hiwalay na pagsusuri. Sa report ng mga ekspertong inatasan ng hukuman, lahat sila ay nagsabing hindi nag-uudyok ng poot at karahasan ang literatura ng mga Saksi. Gayunpaman, nagpokus ang hukuman sa opinyon ng mga eksperto na ang nilalaman ng literatura ng mga Saksi ay “may potensiyal na sumira ng respeto” sa ibang relihiyon.

Salig sa pinalawak na kahulugan ng “ekstremismo,” noong Setyembre 11, 2009, idineklara ng Rostov Regional Court na “ekstremista” ang 34 na publikasyon ng mga Saksi, at nang maglaon ay inilagay ang mga ito sa Federal List of Extremist Materials (FLEM). Idineklara din ng hukuman na “ekstremista” ang Taganrog LRO at iniutos sa mga awtoridad ng gobyerno na buwagin ito, ipagbawal ang mga gawain nito, ilagay ang pangalan nito sa listahan ng ekstremistang mga organisasyon, kumpiskahin ang mga literatura nito, at ibigay ang ari-arian nito sa Russian Federation. Noong Disyembre 8, 2009, kinatigan ng Supreme Court of the Russian Federation ang desisyon, anupat naging pinal na ito. *

Sa pasimula ng 2016, sa katulad na mga paglilitis, may 88 relihiyosong publikasyon na ang naideklarang “ekstremista” at tatlong LRO ang nabuwag. May 18 LRO pa na iniimbestigahan. Bukod diyan, ipinagbawal ng mga awtoridad ng gobyerno ang jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova, hindi pinapasok sa bansa ang lahat ng kanilang literatura, at ipinasuri ang Bibliya bilang “ekstremistang” literatura.

“Ebidensiyang” Ginamit Laban sa Pambansang Punong-Tanggapan

Noong Marso 2016, ginamit ng Prosecutor General’s Office ang naipong “ebidensiya” para suportahan ang babala nito laban sa pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi, tinatawag na Administrative Center of Jehovah’s Witnesses in Russia, na matatagpuan malapit sa St. Petersburg. Iniugnay ng tagausig sa Administrative Center ang ipinagbabawal na mga literatura at ang mga LRO na iniimbestigahan o nabuwag na, at sinabi nito: “May natutuklasan pa ring mga ebidensiya ng ekstremismo sa mga gawain ng mga subdibisyon sa ilalim ng Administrative Center.”

Pagkatanggap ng babala, hiniling ng mga Saksi sa Prosecutor General ng Russian Federation, si Yuriy Yakovlevich Chayka, na pawalang-bisa ang babala. Pero kinatigan niya iyon at ikinatuwiran na “ang mga argumento tungkol sa pag-imbento ng ebidensiya at iba pang pag-abuso na diumano’y nangyari noong panahong nag-iinspeksiyon ang mga ahensiya ng pulisya ay hindi saligan para pawalang-bisa ang babala, sapagkat ang babala ay salig sa mga desisyon ng hukuman.” Sinabi ni Mr. Allen: “Lumilitaw na naniniwala ang Prosecutor General na maaaring gawing legal ng isang hukuman sa Russia ang anumang imbentong ebidensiya na ginawa ng walang-prinsipyong mga opisyal ng batas. Naaalaala ko pa ang isang desisyon ng hukuman sa Moscow na doo’y ilegal na ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa lunsod na iyon pero nang maglaon ay ibinasura ito ng European Court of Human Rights.” *

Pagkatapos magdesisyon ang Prosecutor General, ang mga Saksi ay nagsampa ng reklamo sa Tverskoy District Court sa Moscow laban sa babala. Sa paglilitis noong Oktubre 12, 2016, hindi pinahintulutan ni Judge M. S. Moskalenko na dinggin ang testimonyo ng sinumang testigo o eksperto, at ibinasura niya ang apela.

Nabigo ang mga pagsisikap na ito kaya nanatiling may bisa ang babala. Nanganganib na mabuwag ang Administrative Center kung makukumbinsi ng Prosecutor General’s Office ang mga hukuman na (1) patuloy na nilalabag ng mga LRO ng mga Saksi ang batas laban sa ekstremismo, o (2) may natagpuan ang mga awtoridad na “bagong impormasyon na nagpapatunay na may ebidensiya ng ekstremismo” sa gawain ng mga Saksi sa loob ng isang taon matapos silang babalaan.

Mabilis na Dumarami ang Iniimbentong “Bagong Impormasyon”

Mula nang ilabas ang babala noong Marso 2, 2016, tumindi ang pagsisikap ng mga awtoridad sa Russia na mag-imbento ng “bagong impormasyon.” May 35 dokumentadong insidente (mula sa kabuoang mahigit 60 mula noong 2012) ng pag-imbento ng “krimen” sa pamamagitan ng pagtatanim ng relihiyosong literatura na hindi na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Ang paghahalughog kung saan may natuklasang “ebidensiya” ay kadalasang may kasamang agresibong pagkilos ng mga pulis at ng espesyal na kapulisan.

  • Noong Hulyo 28, 2016, ni-raid nang dalawang beses ang mga Saksi ni Jehova sa Republic of Karelia. Sa Petrozavodsk, dumating sa isang Kingdom Hall ang armado at nakamaskarang mga lalaki mula sa Special Police Force at pinahinto ang relihiyosong pagpupulong. Limang kopya ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ang itinanim ng mga pulis sa gusali at nang maglaon ay “natagpuan” ang mga ito sa paghahalughog. Wala silang ipinakitang court order sa mga Saksi na nagbibigay ng awtorisasyong mag-raid at maghalughog sa gusali. Sa Kostomuksha, pinahinto ng mga opisyal mula sa Federal Security Service (FSB) at sa Center for Counteracting Extremist Activity ang isang pagpupulong. Sa paghahalughog sa Kingdom Hall, may “natagpuan” silang tatlong publikasyon ng mga Saksi na nakalista sa FLEM.

  • Noong Agosto 20, 2016, pinahinto ng mga pulis ang isang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Mayskiy, Republic of Kabardino-Balkaria. Matapos palabasin ang lahat mula sa Kingdom Hall, “natagpuan” ng mga opisyal sa loob ng gusali ang ilang itinanim na literatura na nasa listahan ng FLEM. Sa raid na iyon, walang ipinakitang dokumento o awtorisasyon ang mga awtoridad.

  • Maagang-maaga noong Setyembre 20, 2016, dumating ang armado at nakamaskarang mga lalaki mula sa Special Police Force sa Kingdom Hall sa Nezlobnaya, Stavropol Territory. Para makapasok sa gusali, sinira nila ang mga pinto at saka itinanim ang ilang publikasyon ng mga Saksi na nakalista sa FLEM. “Natagpuan” ng mga pulis ang mga publikasyong ito sa kanilang paghahalughog.

Isang pulis na nagtatanim ng literatura sa isang cabinet sa Kingdom Hall sa Nezlobnaya, na nang maglaon ay “natagpuan” ng isang inspektor bilang “ebidensiya”

Kung Paano Kinakasuhan ang mga Saksi

Halos pare-pareho ang ginagamit na pamamaraan para maakusahan ng ekstremismo ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng makikita sa nangyari sa LRO ng mga Saksi sa lunsod ng Birobidzhan.

  1. Hakbang 1: Ang mga pulis ay pumupunta sa dako ng pagsamba ng mga Saksi at nagtatanim ng literatura ng mga Saksi na nakalista sa FLEM.

    Pinahinto ng mga pulis at opisyal ng FSB ang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova, sinabing ilegal iyon, at saka sinabing naghahanap sila ng “ekstremistang materyal.”

  2. Hakbang 2: Hinahalughog ng mga pulis ang gusali at may “natatagpuan” doong ipinagbabawal na literatura.

    May “natagpuan” ang mga pulis na 12 publikasyong nakalista sa FLEM. Nang maglaon, pinatunayan ng mga Saksi na isang di-kilalang tao ang pumunta sa gusali bago ang pulong at lumilitaw na siyang nagtanim ng “ebidensiya.”

  3. Hakbang 3: Pinararatangan ng tagausig ang LRO ng mga Saksi ni Jehova o ang chairman nito ng paglabag dahil sa pamamahagi ng ekstremistang materyal at pinagmumulta ito.

    Idineklara ng district court na ang chairman ng LRO ay lumabag sa batas at pinagmulta ng 4,000 ruble ($66.88 U.S.).

  4. Hakbang 4: Binababalaan ng tagausig ang LRO na huwag nang ulitin ang sinasabing paglabag sa loob ng 12 buwan.

    Nagbabala ang tagausig na bawal ang pakikibahagi sa “ekstremistang gawain.”

  5. Hakbang 5: Pagkaraan ng ilang panahon, bumabalik ang mga pulis sa dako ng pagsamba, nagtatanim uli ng ipinagbabawal na mga publikasyon ng mga Saksi sa loob ng gusali, at saka “natatagpuan” ang mga ito matapos maghalughog.

    Pinahinto ng mga pulis ang isang relihiyosong pagpupulong para maghanap ng “ekstremistang materyal” sa gusali. Pero bago magpulong, nakita ng mga Saksi ang itinanim na literatura at inalis ito, kaya nabigo ang pagtatangkang gumawa ng ebidensiya noong Oktubre 2015. Noong Enero 21, 2016, mas pinaghandaan ito ng mga pulis. Muling pinahinto ng mga pulis, espesyal na kapulisan, at mga opisyal ng FSB ang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova at sinabing naghahanap sila ng “ekstremistang materyal” sa gusali. Nakita ng isang Saksi ni Jehova na may hawak na mga literatura ang isang pulis. Hinalughog naman ng isa pang pulis ang isang lugar na nainspeksiyon na at “natagpuan” nito ang mga literaturang iyon nang walang nakaharap na testigo.

  6. Hakbang 6: Batay sa bagong impormasyong ito ng diumano’y ekstremistang gawain, nagsasampa ng kaso ang tanggapan ng tagausig o ang Ministry of Justice para buwagin ang LRO.

    Idineklara ng district court na ang chairman ng LRO ay lumabag sa batas at pinagmulta ito ng 3,000 ruble ($50.16 U.S.). Noong Oktubre 3, 2016, ipinasiya ng regional court na may natagpuang “bagong impormasyon na nagpapatunay na may ebidensiya ng ekstremismo sa gawain ng LRO” at idineklarang “ekstremista” ang Birobidzhan LRO, ipinagbawal ang gawain nito, at ipinag-utos na buwagin ito.

Bilang panghuling hakbang, kinatigan ng Russian Federation Supreme Court ang mga desisyon ng mabababang hukuman na buwagin ang mga LRO ng mga Saksi bilang “mga ekstremistang organisasyon.” Kamakailan lang ay napabilang dito ang mga LRO sa Belgorod, Stariy Oskol, Elista, at Orel. Ang apela ng mga Saksi para sa Birobidzhan LRO ay nakabinbin sa Supreme Court.

Ano ang Kahulugan Nito? Kailan Ito Matatapos?

Naalaala ni Vasiliy Kalin, isang kinatawan mula sa Administrative Center, nang ang kaniyang pamilya ay ipatapon sa Siberia noong panahong Sobyet bilang mga biktima ng pag-uusig: “Noong bata pa ako, puwedeng pumunta ang mga awtoridad sa mga bahay ng mga Saksi anumang oras para maghanap ng relihiyosong mga publikasyon. Pero hindi nila naiisip na magtanim ng mga publikasyon sa aming mga tahanan at saka nila matatagpuan iyon. Ang bagong taktikang ito ng mga nagpapatupad ng batas sa Russia ay patunay na wala pa rin silang makitang anumang saligan para paratangan ang mga Saksi ni Jehova ng ilegal na gawain.”

Sa Enero 16, 2017, inaasahang diringgin ng Moscow City Court ang apela ng mga Saksi ni Jehova laban sa babala ng Prosecutor General at ibababa ang desisyon nito. Kikilalanin ba nito na walang saligan ang Prosecutor General’s Office para akusahan ng ekstremistang gawain ang Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova at pawawalang-bisa ang babala nito? Iyan ang inaasahan ng mga Saksi ni Jehova at ng mga taong nagpapahalaga sa mga karapatang pantao sa Russia at sa buong mundo.

^ par. 9 Ang desisyon ng Russian Federation Supreme Court ay nagdulot ng maraming problema sa mga Saksi. Ipinakikita ng 1,126 na report ng mga insidenteng nangyari sa pagitan ng Disyembre 8, 2009, at Abril 26, 2012, na ang mga Saksi ni Jehova ay niligalig at sinaktan habang nakikibahagi sa relihiyosong gawain at ikinulong ng mga pulis; at hinalughog din at sinira ang kanilang mga dako ng pagsamba.

^ par. 13 Noong 1995, nagsimula ang sunod-sunod na kasong kriminal at sibil para ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Moscow ngunit paulit-ulit din itong nabigo dahil sa kawalan ng ebidensiya. Gayunman, sa isang desisyon noong Marso 2004, ginamit ng Golovinskiy District Court ang isang “pagsusuri ng eksperto” bilang saligan para buwagin ang Religious Community of Jehovah’s Witnesses sa Moscow at ipagbawal ang mga gawain nila. Sa desisyon nito noong Hunyo 10, 2010, napatunayan ng European Court of Human Rights na ang Russian Federation ay lumabag sa karapatan ng mga Saksi ni Jehova sa malayang pagsamba at pagtitipon at inutusan nito ang gobyerno na lunasan ang masasamang epekto ng mga pagkilos nito.