Pumunta sa nilalaman

Itaas sa kaliwa: Ang liham ng minister of education noong Marso 15, 2023. Ibaba: Ilang estudyanteng Saksi na sinuspende sa paaralan at ang mga magulang nila

MAYO 1, 2023
RWANDA

Ipinagtanggol ng Ministry of Education sa Rwanda ang Karapatang Sumamba ng mga Estudyante

Ipinagtanggol ng Ministry of Education sa Rwanda ang Karapatang Sumamba ng mga Estudyante

Noong Marso 15, 2023, iniutos ng minister of education ng Rwanda na muling tanggapin ang mga Saksi ni Jehova na sinuspende dahil sa pagtangging makibahagi sa relihiyosong mga kaugalian na labag sa konsensiya nila. Di-bababa sa 80 estudyante ang nasuspende sa paaralan.

Nagpadala ng liham ang minister of education sa lahat ng mayor at opisyal ng paaralan sa buong Rwanda na nagsasabing hindi dapat suspendihin ang mga estudyante dahil sa mga relihiyosong paniniwala nila. Gamit ang Constitution of the Republic of Rwanda, sinabi niya: “Ang lahat ng taga-Rwanda ay may karapatan sa edukasyon. Tinitiyak ng gobyerno na ang bawat taga-Rwanda ay may kalayaan na sabihin ang kanilang mga iniisip at paniniwala, at na sumamba ayon sa relihiyon niya.” Isinulat din niya na ang sinumang humahadlang sa isang bata na mag-aral ay “gumagawa ng kawalang-katarungan at puwedeng parusahan.” Ipinaalala niya sa mga opisyal ng paaralan na “hindi dapat suspendihin ang estudyante dahil sa mga iniisip niya, konsensiya, relihiyon o paraan ng pagsamba . . . Kaya dapat itigil na ito ng mga opisyal ng paaralan at muling tanggapin ang mga estudyanteng sinuspende.”

Isa sa Sister Jeanette Niyonkuru sa mga estudyanteng sinuspende. Sinabi niya: “Pagkatapos kong masuspende, isang taon akong hindi nakapag-aral. Kahit tinanggap ako ng isang paaralan, kailangan kong maglakad nang dalawang oras araw-araw para makapasok.” Napilitang huminto sa pag-aaral ang mga hindi makabiyahe sa malalayong paaralan.

Sinuspende sa paaralan ang tatlong anak nina Brother at Sister Hakizimana dahil tumanggi ang mga ito na sumali sa relihiyosong mga gawain ng paaralan. Sinabi ni Brother Hakizimana: “Sumulat kami sa prinsipal ng paaralan pero hindi siya sumagot. Isinaayos pa nga namin na makipagkita sa direktor ng paaralan. Nakinig naman siya sa paliwanag ng mga anak namin tungkol sa paniniwala nila sa Bibliya, pero wala ring nangyari. Masaya kaming marinig ang utos ng minister of education. Pagkatapos, nakipagkita kami sa mga opisyal ng paaralan sa lugar namin, at pinayagan nilang makabalik sa paaralan ang mga anak namin.”

Pinasasalamatan natin ang utos na ito ng minister of education, na nagtatanggol sa karapatan ng mga kapatid na estudyante sa Rwanda. Pinanatili nilang “malinis ang konsensiya” nila, na nagpaparangal sa pangalan ni Jehova.—1 Pedro 3:16.