Pumunta sa nilalaman

HULYO 2, 2015
RWANDA

Nanindigan ang Korte sa Rwanda Laban sa Diskriminasyon sa Relihiyon

Nanindigan ang Korte sa Rwanda Laban sa Diskriminasyon sa Relihiyon

Ipinagtanggol ng korte sa distrito ng Karongi sa Rwanda ang karapatan sa kalayaan sa relihiyon ng walong estudyante na mga Saksi ni Jehova. Ang kaso ay ang pagtanggi nilang makibahagi sa mga klase sa relihiyon dahil sa budhi.

Ang karamihan ng mga paaralan sa Rwanda ay nauugnay sa mga relihiyosong organisasyon. Hinihiling ng ilang paaralan sa mga estudyante na dumalo sa mga relihiyosong serbisyo at magbayad ng buwis para sa simbahan. Dahil hindi ito ginagawa ng mga estudyanteng Saksi ni Jehova, pinatalsik ng mga awtoridad sa paaralan ang 160 sa kanila mula 2008 hanggang 2014. Habang ang isyung ito ay pinag-uusapan sa buong bansa, ipinakikita ng kaso sa Karongi, Western Province, na kayang harapin ng mga awtoridad sa Rwanda ang diskriminasyon sa relihiyon.

Pagpapatalsik sa Paaralan Dahil sa Diskriminasyon sa Relihiyon

Noong Mayo 12, 2014, pinatalsik ng mga awtoridad sa paaralan ang walong estudyanteng Saksi, edad 13 hanggang 20, * sa Groupe Scolaire Musango School sa Karongi dahil sa pagtangging makibahagi sa isang relihiyosong serbisyo. Pagkatapos, inireport ito ng mga magulang nila sa Rwankuba Sector Executive Secretary, na nag-utos na pabalikin sa paaralan ang mga estudyanteng Saksi. Dahil hindi sang-ayon sa desisyon, binago ng mga awtoridad sa paaralan ang kanilang taktika at inakusahan ang mga estudyante ng hindi paggalang sa pambansang awit dahil ayaw nilang kantahin ito. Noong Hunyo 4, 2014, dalawang araw lang pagkatapos muling tanggapin ang mga estudyante, dumating ang mga pulis sa paaralan at inaresto sila.

Anim na araw na idinitine ng mga pulis ang mga estudyante sa kulungan. Pinagbantaan sila at pinagsalitaan nang masasakit ng mga opisyal at ang dalawang nakatatandang estudyante ay binugbog dahil inimpluwensiyahan daw nila ang mga nakababata. Sa kabila ng masamang pagtrato sa kanila, hindi ikinompromiso ng walo ang kanilang paniniwala.

Pinawalang-Sala ng Korte ang mga Estudyante

Pinalaya ng mga pulis ang pito sa mga estudyante noong Hunyo 9, 2014, at pinawalang-saysay ng prosecutor ang kaso ng pinakabata. Pero siyam na araw pang idinitine ang pinakamatanda. Pagkatapos, iniutos ng judge ang pansamantalang paglaya niya sa ilalim ng pangangasiwa ng korte, kaya nabinbin ang pagdinig ng korte sa Oktubre 14, 2014.

Sa pagdinig, tinanong ng judge ang bawat estudyante. Ipinaliwanag ng isa, na kumakatawan sa kanila, sa judge na ang tunay na dahilan ng pagpapatalsik sa kanila ay hindi ang pagtanggi nilang kumanta ng pambansang awit, kundi ang pagtanggi nilang magbayad ng buwis para sa simbahan at dumalo sa relihiyosong mga serbisyo sa paaralan.

Pagkatapos, hiniling ng judge sa prosecutor na maglabas pa ng ebidensiya para patunayan ang paratang na “hindi paggalang sa pambansang awit.” Nang pagtatanungin ng prosecutor ang mga estudyante para sa higit pang detalye, pinatunayan ng mga estudyante na naging magalang sila kapag umaawit ang iba ng pambansang awit.

Sa nasusulat na desisyon nito na inilabas noong Nobyembre 28, 2014, ipinasiya ng Intermediate Court ng Karongi na ang hindi pag-awit ng pambansang awit ay “hindi dapat ituring na paglapastangan o kawalang-galang.” Ipinagtanggol ng desisyon ng korte ang batas, pinawalang-sala nito ang mga bata, at maaaring makatulong ito para wakasan ang diskriminasyon sa relihiyon sa mga paaralan sa Rwanda.

Paghiling na Igalang ang Pangunahing mga Karapatan

Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova sa magandang kinalabasan ng pagdinig para sa mga estudyante ng Groupe Scolaire Musango School. Pero, sa ilang kaso, walang magawa ang mga anak ng mga Saksi na pinatalsik dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala kundi ang lumipat ng paaralan. Ang ilang bata ay hindi na nakapagpatuloy sa pag-aaral dahil ang puwede lang nilang mapasukan ay isang pribadong paaralan at hindi kayang bayaran ng mga pamilyang ito ang tuition.

Gaya ng ibang mga magulang, nais ng mga magulang na Saksi na makapag-aral din ang kanilang mga anak. Gusto nilang magkaroon ng mga kasanayan ang mga ito at maging mahuhusay at responsableng miyembro ng lipunan. Umaasa ang mga Saksi ni Jehova na mauudyukan ng desisyon ng korte sa Karongi ang lahat ng paaralan sa Rwanda na igalang ang karapatan ng mga bata sa kalayaan sa budhi at relihiyon.

^ par. 5 Sa Rwanda, ang legal na edad ay 21 (Article 360 ng Civil Code)