HUNYO 9, 2016
RWANDA
Kinontra ng Rwanda ang Diskriminasyon sa Paaralan Dahil sa Relihiyon
Naglabas ng utos ang gobyerno ng Rwanda na nagsasabing dapat respetuhin ng mga paaralan ang relihiyosong paniniwala ng mga estudyante. Magandang balita ito sa mga estudyante na hindi pinahihintulutan ng kanilang budhi na sumali sa ilang gawain sa paaralan.
Ang karamihan ng mga paaralan sa Rwanda ay pinopondohan ng gobyerno pero pinangangasiwaan ng mga relihiyosong organisasyon. Bukás sa lahat ang pagpapa-enrol kaya ang mga estudyante ay galing sa iba’t ibang relihiyon. Gayunman, ipinipilit ng ilang tagapangasiwa ng paaralan ang relihiyoso o makabansang mga aktibidad o ang pagbabayad ng buwis sa simbahan. Pinarurusahan nila ang mga estudyante na hindi sumusunod dahil sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Ayon sa isang opisyal ng gobyerno na nangangasiwa sa elementary at high school, ganito ang karaniwang pananaw ng ilang administrador ng paaralan: “Ang mga estudyante namin ay hindi puwedeng sumamba sa paraang salungat sa aming mga paniniwala.”
Pinagtibay ng Gobyerno ang Kalayaang Sumunod sa Udyok ng Budhi
Para maituwid ang ganitong diskriminasyon sa mga paaralan, naglabas ang gobyerno ng isang executive order na may mga bagong regulasyon may kaugnayan dito. Ayon sa Article 12 ng Order No. 290/03, na inilathala sa Official Gazette noong Disyembre 14, 2015, dapat respetuhin ng bawat paaralan ang kalayaan sa pagsamba ng mga estudyante at pahintulutan silang manalangin kaayon ng paniniwala nila, kung legal namang kinikilala ang kanilang relihiyon, at kung ang pananalangin nila ay hindi nakakaapekto sa pagtuturo at pag-aaral sa paaralan.
Dapat respetuhin ng bawat paaralan ang kalayaan sa pagsamba ng mga estudyante.—Order No. 290/03, Article 12
Pinagtibay ng aksiyong ito ng gobyerno ang desisyon ng Intermediate Court of Karongi, na pumabor sa mga estudyanteng Saksi na pinatalsik sa isang paaralan doon noong Mayo 2014. Hindi kinilala ng mga tagapangasiwa ng paaralan doon ang karapatan ng mga estudyanteng iyon na tumanggi sa relihiyosong serbisyo na inisponsor ng paaralan. Gayunman, pinawalang-sala ng korte ang mga estudyante at nakapagpatuloy sila sa pag-aaral.
Sa isa pang kaso, sa isang paaralan sa Ngororero District, ayaw ng prinsipal na bigyan ng report card ang 30 estudyante na tumangging magbayad ng buwis sa simbahan (hindi kasama sa matrikula). Nang ang mga magulang ng mga estudyante ay magreklamo sa direktor ng edukasyon sa distrito, pumayag ang prinsipal na bigyan ng report card ang lahat ng estudyanteng iyon sa pagtatapos ng school year.
Laking Tuwa ng mga Estudyanteng Saksi
Si Chantal Uwimbabazi, isang estudyanteng Saksi, ay pinatalsik sa isang paaralan sa Ngororero District dahil tumanggi siyang umatend sa misang Katoliko na iniisponsor ng paaralan. Tiniis niya ang panunukso ng mga kaklase niya at ng iba pa at isang taon siyang nahinto sa pag-aaral. Nang bandang huli, nag-enrol siya sa isang paaralan na mas malayo sa kanila at mas mataas ang matrikula, na napakabigat para sa biyuda niyang nanay na mahirap lang. Laking tuwa ni Chantal nang mabalitaan niya ang tungkol sa mga bagong regulasyon. “Sa tingin ko, ang ibang mga estudyante na nasa kaparehong sitwasyon sa mga paaralang pinatatakbo ng mga relihiyon ay maaari na ring mag-aral at wala nang manghihimasok sa mga karapatan nila,” ang sabi ni Chantal.
Ang bagong regulasyon ay kaayon ng Konstitusyon ng Rwanda, na gumagarantiya ng kalayaan sa relihiyon at karapatang tumanggap ng edukasyon. Umaasa ang mga estudyanteng Saksi ni Jehova at ang mga magulang nila na mawawala na ang diskriminasyon sa paaralan. Nagpapasalamat sila sa ginagawa ng gobyerno para protektahan ang kalayaan sa relihiyon ng mga batang nag-aaral.