AGOSTO 1, 2019
RWANDA
Pag-alaala sa Paglipol ng Lahi sa Rwanda Pagkalipas ng 25 Taon
Ang paglipol sa mga Tutsi sa Rwanda noong 1994 ang isa sa pinakamabilis at pinakakakila-kilabot na paglipol ng lahi na nangyari sa modernong panahon. Tinataya ng United Nations na mga 800,000 hanggang 1,000,000 ang napatay sa loob lang ng mga 100 araw. Karamihan sa mga ito ay mga Tutsi, pero mayroon ding mga Hutu na pinatay dahil sa hindi nila pagsuporta sa paglipol. Ibig sabihin, nanganib ang lahat ng 2,500 Saksi ni Jehova sa Rwanda.
Mga 400 sa mga kapatid natin sa Rwanda ang namatay sa paglipol na iyon. Karamihan sa kanila ay mga Tutsi, pero may mga Saksing Hutu rin na namatay dahil hindi nila maatim na saktan ang iba o pabayaang mamatay ang kanilang mga Kristiyanong kapatid.
Tandang-tanda pa ni Brother Charles Rutaganira, isang Tutsi na nakaligtas sa paglipol, ang isang Linggo ng umaga kung kailan inakala niyang mamamatay na siya, pero nakaligtas siya dahil sa mapagsakripisyong pag-ibig ng mga kapatid.
Gulat na gulat siya nang dumugin ng mga 30 tao ang bahay niya. Ikinuwento niya: “Karamihan sa kanila ay mga kapitbahay ko. Araw-araw ko silang nakikita, at mga kabatian ko sila.” Pero nang umagang iyon, nakita niyang nag-iba sila. “Namumula ang mga mata nila at galit na galit sila. Para akong napalibutan ng mga hayop na nakahanda nang manlapa.”
Gamit ang mga itak, sibat, at pamalo na may mga pako, inatake ng grupong iyon si Brother Rutaganira dahil lang sa isa siyang Tutsi. Pagkatapos, kinaladkad nila siya palabas sa kalsada. Iniwan nila siya roon nang duguan at halos wala nang malay. Mayamaya, dumating ang isang grupo na may dalang mga pala, at ililibing na nila siya. Malamang na nakilala ng isa sa kanila si Brother Rutaganira bilang isang mapayapang Kristiyano kaya naitanong nito, “Bakit nila pinatay ang Saksi ni Jehova na ito?” Walang sumagot. Pagkatapos, biglang bumuhos ang ulan at umalis na sila.
Nabalitaan ni Samuel Rwamakuba, isang brother na Hutu na nakatira malapit doon, ang nangyari kay Brother Rutaganira. Inutusan niya ang anak niya na buhatin pauwi si Brother Rutaganira sa kabila ng malakas na ulan. May dalawang brother na Hutu na nagdala ng gamot at benda kahit na mapanganib. Hinanap si Brother Rutaganira ng mga mang-uumog. Nang makita nila siya sa bahay ng isang Hutu, sinabi ng lider nila: “Humanda kayo bukas ng umaga.”
Alam ng mga brother na Hutu na posibleng patayin sila dahil sa pagtulong sa isang Tutsi. Ayon kay Brother Rutaganira: “Kung balak nilang patayin ang isang tao at tinulungan mo siya, siguradong sabay na nila kayong papatayin.”
Puwede sanang tumakas si Brother Rwamakuba dahil Hutu siya at padadaanin siya sa mga checkpoint, na bantay-sarado ng mga armadong guwardiya. Pero ayaw niyang iwanan ang kaniyang sugatang kapatid na Tutsi. Sinabi niya: “Hindi kita iiwan. Kung mamamatay ka, mamamatay rin ako.”
Maaga kinabukasan, dumating ang mga sundalo para labanan ang mga mang-uumog, at tumakas ang mga mang-uumog.
Matapos gumaling ni Brother Rutaganira, bumalik siya, at nakita niya ang pagdadalamhati ng mga kakongregasyon niya dahil sa walang-saysay na pagkamatay ng mga mahal nila sa buhay. Marami rin sa kanila ang nagdurusa sa emosyonal at pisikal dahil sa dinanas nilang torture o rape. “Napakahirap talaga ng panahong iyon, lalo na y’ong unang mga buwan,” ang sabi ni Brother Rutaganira. Pero nagpakita ng pag-ibig at unawa ang magkakapatid na Hutu at Tutsi, at tinulungan nila ang isa’t isa na makayanan iyon. “Sinikap talaga nilang hindi magkaroon ng anumang pagtatangi,” ang sabi niya.
Kahit nagdurusa, ipinagpatuloy ng mga Saksi sa Rwanda ang mga pulong at ang pangangaral. Nakita nila na marami ang nangangailangan ng kaaliwan at pag-asa. Ang ilan ay nagdadalamhati dahil sa kakila-kilabot na pagkamatay ng mga mahal nila sa buhay. Ang iba naman ay nakokonsensiya dahil sa masasamang nagawa nila. At marami sa mga taga-Rwanda ang nawalan ng tiwala sa iba—sa kanilang mga kababayan, mga opisyal ng gobyerno, at lalo na sa relihiyon nila. (Tingnan ang kahong “ Ang Papel ng mga Simbahan sa Paglipol ng Lahi sa Rwanda.”)
Pero sa panahong ito, marami sa Rwanda ang nakapansin sa pagiging payapa ng mga Saksi ni Jehova. Isang gurong Tutsi na Katoliko, kasama ang anim niyang anak, ang itinago ng isang pamilyang Saksi na hindi naman niya talaga kilala. Sinabi niya: “Mataas ang paggalang ko sa mga Saksi ni Jehova. . . . Alam ng karamihan na hindi sila nakisangkot sa paglipol.”
Nang matapos ang kahindik-hindik na paglipol na iyon, maraming taga-Rwanda ang pumunta sa mga pulong sa Kingdom Hall. May average na tatlong Bible study para sa bawat isang mamamahayag. Noong 1996 taon ng paglilingkod, tumaas nang mahigit 60 porsiyento ang bilang ng mga Saksi sa Rwanda, dahil maraming tao ang naakit sa kaaliwan mula sa mensahe ng Kaharian.
Sa taóng ito—ang ika-25 anibersaryo ng paglipol ng lahi sa Rwanda—inaalaala ng marami, lalo na ng mga nakaligtas, ang malungkot na panahong iyon. Kumbinsido si Brother Rutaganira at ang iba pang nakaranas nito na mas makapangyarihan ang tunay na Kristiyanong pag-ibig kaysa sa pagkakapootan dahil sa lahi. “Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang tunay na mga tagasunod na mahalin ang isa’t isa nang higit pa sa kanilang sarili,” ang sabi ni Brother Rutaganira. “Buháy pa ako ngayon dahil ganiyan ang pag-ibig ng mga Saksi ni Jehova.”—Juan 15:13.