ENERO 31, 2023
SENEGAL
Maraming Bumisita sa JW.ORG Booth sa International Fair sa Senegal
Mula Disyembre 15 hanggang 31, 2022, sa unang pagkakataon, sumali ang mga Saksi ni Jehova sa Dakar International Fair (FIDAK) sa Senegal. Ito ang ika-30 anibersaryo ng fair. Iba’t ibang produktong gawang-kamay, serbisyong publiko, at kultura ang makikita doon. Napakaraming bumisita sa fair mula sa iba’t ibang bahagi ng Africa at buong mundo.
Nag-set up ang mga kapatid natin ng information booth. Makikita doon ang iba’t ibang content mula sa jw.org at ilang publikasyon natin tungkol sa buhay pampamilya. Nagpakita ang mga kapatid ng iba’t ibang video mula sa Maging Kaibigan ni Jehova at Whiteboard Animations, pati na ng mga interbyu sa mga teenager mula sa Ang Sinasabi ng Ibang Kabataan.
Ilan sa mga bumisita ang hindi pa pamilyar sa website natin, kaya in-access nila ito sa mga cellphone nila habang nasa booth. Marami ang humanga nang malaman nila na available sa mahigit 1,000 wika ang content sa jw.org, kasama na rito ang lokal na wikang Wolof. Mahigit 3,000 publikasyon ang ibinigay sa mga bumisita na humingi nito.
Sinabi ng isang bisita: “Y’ong pagpunta namin sa booth n’yo ang pinakamaganda sa buong fair.” Sinabi pa ng isa, “Kung may premyo para sa best booth, panalo na kayo!”
Sinabi ni Brother Martin Laud, na tumulong sa pag-organisa ng booth: “Naging masaya kami sa pagtanggap sa napakaraming bisita na mula pa sa iba’t ibang bansa. Marami sa kanila ang nagpasalamat sa amin sa pagbibigay ng praktikal na impormasyon mula sa Bibliya nang walang bayad.”
Masaya tayo sa naging magandang resulta ng pagsali natin sa fair. Isa lang ito sa mga paraan ng bayan ni Jehova para tulungan ang iba na malaman ang “karunungan” mula sa Salita ng Diyos.—Kawikaan 3:21, 22.