MAYO 10, 2013
SLOVAKIA
Ginunita ang 100 Taon ng mga Saksi ni Jehova sa Slovakia
BRATISLAVA, Slovakia—Bilang paggunita sa kanilang ika-100 anibersaryo ng pagtuturo ng Bibliya sa bansa, binuksan ng mga Saksi ni Jehova sa publiko ang kanilang tanggapang pansangay noong Disyembre 15, 2012. Binigyan nila ng imbitasyon ang mga taong nakatira sa kalapít na mga lugar para mag-tour sa mga pasilidad ng sangay. Mahigit 200 ang dumating para tingnan ang sampung displey na nagtatampok ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi sa Slovakia.
Noong 1912, pinasimulan ng mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang pagtuturo ng Bibliya sa Slovakia. Noong 1991 naman, inilabas ng mga Saksi ang isang tumpak at madaling-basahing salin ng Bibliya sa wikang Slovak. Sinusuportahan ng tanggapang pansangay sa Bratislava ang gawain ng limang translation team ng wikang Slovak. Kasama rin sa isinasalin ang Slovakian Sign Language at ang mga diyalektong Eastern Slovak Roma at Olah Roma. Ang lahat ng literatura at Bibliya na inilalathala ng mga Saksi ay iniaalok nang walang bayad. Sa kasalukuyan, ang mahigit 11,000 Saksi sa Slovakia ay nagdaraos ng mahigit 3,400 libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya linggu-linggo. Tinutulungan nila ang mga tao, anuman ang edad, na maging maligaya bilang indibiduwal at bilang pamilya.
Nagdaraos din sila ng mga pulong sa 160 kongregasyon sa buong bansa, at malugod nilang inaanyayahan ang lahat na dumalo sa walang-bayad na mga sesyong ito sa pag-aaral ng Bibliya. Bahagi rin ng kasaysayan ng mga Saksi ang taunang mga kombensiyon, na ang kauna-unahan sa mga ito ay idinaos noong 1923. Noong 2006, nagdaos ang mga Saksi ni Jehova ng espesyal na kombensiyon sa Bratislava na dinaluhan ng mahigit 10,700, kasama na ang mahigit 3,600 delegado mula sa Czech Republic, Hungary, at Romania.
Sinabi ni Rastislav Eliaš, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Slovakia: “Sa nakalipas na 100 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakilala sa Slovakia bilang mapayapa at tapat na mga mamamayan na malapít sa kanilang mga kamag-anak at kababayan. Patuloy naming tutulungan ang aming kapuwa na makinabang sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng sinisikap din naming gawin.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Slovakia: Rastislav Eliaš, tel. +421 2 49107611