DISYEMBRE 20, 2021
SLOVENIA
Ini-release ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Slovenian
Noong Disyembre 18, 2021, ini-release ang elektronikong format ng nirebisang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Slovenian. Ini-release ito ni Brother Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala sa isang inirekord na programa na napanood ng tinatayang 2,000. Magiging available ang inimprentang mga kopya sa 2022.
Noon pa mang 1584, mayroon nang Bibliyang Slovenian. Nang taóng iyon, lumabas ang Dalmatin Bible, ang unang kumpletong Bibliya sa Slovenian. Ngayon, mayroon na lang 80 kopya ng Dalmatin Bible, kabilang na ang isa na nasa Bible museum sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York, U.S.A.
Noong 1925, nagsimulang mangaral si Brother Franz Brand, isang International Bible Student, sa kaniyang lugar ng trabaho, isang barberya sa Maribor, Slovenia. Nang taon ding iyon, regular na nagtitipon ang isang maliit na grupo para talakayin ang Bibliya. Noong 1930, itinatag ng Bible Students sa Slovenia ang isang tanggapan para suportahan ang gawaing pagtuturo ng Bibliya sa bansang iyon. Noong 2009, isang di-malilimutang pangyayari ang naganap nang i-release ni Brother Samuel Herd ang Bagong Sanlibutang Salin sa pandistritong kombensiyon na idinaos sa Ljubljana, Slovenia.
Noong Digmaang Pandaigdig II at nang sumunod na mga taon, matinding pinag-usig ang mga Saksi ni Jehova sa Slovenia, una ng mga Nazi at pagkatapos ng lokal na mga awtoridad. Nang panahong iyon, maraming brother ang ibinilanggo, at ang ilan pa nga ay pinatay. Noong 1953, bumuti ang sitwasyon nang alisin ng mga awtoridad ang pagbabawal laban sa mga Saksi ni Jehova at payagan silang sumamba. Ngayon, may 1,757 Saksi ni Jehova sa Slovenia.
Nagtitiwala tayo na sasang-ayon ang mga kapatid natin sa Slovenia sa pampatibay ni Brother Lösch: “Basahin ninyo at pag-aralan ang bagong Bibliyang ito para maging bihasa kayong mga guro ng Salita ng Diyos at tulungan ang iba na makinabang sa makapangyarihang mensahe ng Bibliya! . . . Ang release na ito ng [nirebisang] Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Slovenian ay tutulong sa inyo na manghawakang mahigpit sa ‘mapananaligang mensahe’!”—Tito 1:9.