Pumunta sa nilalaman

Hawak ni Brother Mark Sanderson ang mga kopya ng Bibliya na inilabas sa wikang Kwangali, Sepulana, at Setswana

MARSO 10, 2021
SOUTH AFRICA

Bibliya sa Tatlong Wika, Inilabas sa South Africa

Bibliya sa Tatlong Wika, Inilabas sa South Africa

Ang mga kapatid sa South Africa na nagsasalita ng Kwangali, Sepulana, at Setswana ay tumanggap ng espesyal na regalo noong Marso 7, 2021. Sa isang nakarekord na pahayag, inilabas ni Brother Mark Sanderson ng Lupong Tagapamahala ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Kwangali at Sepulana at ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Setswana. Napanood ng mga kapatid ang programa sa videoconference, at nakuha nila ang mga Bibliya sa digital format.

Kwangali

Natapos ng team ng tatlong translator ang Bibliya sa loob ng dalawang taon. Ang mahigit 240 kapatid na nagsasalita ng wikang ito ay mayroon na ngayong madaling-maintindihan na salin para sa kanilang personal study at ministeryo.

Sepulana

Anim na translator ang nagtulong-tulong sa proyektong ito, na inabot nang mga isa at kalahating taon. May 374 na kapatid na nagsasalita ng Sepulana sa South Africa.

Sinabi ng isang translator: “Kapag nangangaral kami, madalas naming ginagamit ang isang salin sa wikang Sepedi. Pero bago namin ipaliwanag ang Kasulatan sa taong interesado, kailangan muna naming i-translate o ipaliwanag ang isa o dalawang salita sa teksto. Ngayon, gamit ang salin na ito, kahit isang beses mo lang basahin ang teksto, maiintindihan ito agad ng kausap mo.”

Setswana

Ang proyekto ng pagrerebisa ay tumagal nang mga apat na taon. Anim na translator ang nagtulong-tulong sa proyekto. May mahigit 5,600 kapatid na nangangaral sa mga taong nagsasalita ng Setswana.

Ganito ang sabi ng isang translator tungkol sa Bagong Sanlibutang Salin sa Setswana: “Makakatulong ito sa mga kapatid na magpokus sa kanilang kasanayan sa ministeryo sa halip na sa pagpapaliwanag ng mahihirap na salita. Maganda rin itong pantulong sa pag-aaral. Malaking tulong ang mga chart, mapa, larawan, at glosari para ma-imagine ng mga kapatid ang mga ulat ng Bibliya.”

Tutulong ang mga Bibliyang ito para masapatan ang espirituwal na pangangailangan ng ating mga kapatid at ng mga taong pinapangaralan nila. Talagang pinapahalagahan natin ang saganang espirituwal na pagkain mula sa Salita ng Diyos.—Isaias 65:13.