ABRIL 24, 2024
SOUTH AFRICA
Ibinahagi ng Libo-libong Saksi ang Mensahe ng Kaaliwan Mula sa Bibliya sa mga Taong Nagsasalita ng Xhosa sa South Africa
Mula Enero 29 hanggang Marso 11, 2024, mahigit 11,000 kapatid sa iba’t ibang lugar sa South Africa ang nakibahagi sa kampanya ng pangangaral sa wikang Xhosa sa Eastern Cape Province ng bansa. Karamihan sa pitong milyong tao na nakatira sa probinsiyang ito ay nagsasalita ng Xhosa. Dahil sa kampanya, mahigit 2,700 katao ang nagpa-Bible study.
Noong panahon ng kampanya, nakausap ng dalawang sister ang isang babae na namatayan ng kapatid na lalaki dahil sa isang aksidente dalawang linggo pa lang ang nakakaraan. Nang umiyak ang babae at sinabi sa mga sister ang tungkol sa pagkamatay ng kaniyang kapatid, pinatibay siya ng mga sister gamit ang Apocalipsis 21:3, 4. Gustong malaman ng babae ang higit pa tungkol sa pangako ng Bibliya na aalisin ng Diyos ang kamatayan at pagdurusa, kaya nagtanong siya kung saan at kailan ginaganap ang ating mga pulong. Nagpa-Bible study rin siya.
Nakausap ng isang sister na ang pangalan ay Zukiswa ang isang babae na may matinding arthritis. Dahil sa sakit niya, nahihirapan siyang magluto para sa kaniyang mga anak. Nag-aalala ang babae na baka wala silang makain nang araw na iyon, kasi wala siyang lakas para masahin ang gagawing tinapay. Maibiging sinabi ni Zukiswa na siya na ang magmamasa nito habang ibinabahagi naman ng sister na kasama niya ang mensahe ng Bibliya sa babae. Dahil sa kabaitan nila, masayang-masayang sinabi ng babae sa mga kaibigan niya ang ginawa sa kaniya ng dalawang sister. Di-nagtagal, nagpa-Bible study siya sa mga Saksi.
Habang nagbabahay-bahay sa lunsod ng Gqeberha, nakausap ng dalawang brother ang isang lalaki na naputulan ng isang binti. Sinabi niya na matagal na niyang pinag-iisipan kung bakit pinapayagan ng Diyos na mamahala si Satanas sa mundo, gayong sa Diyos naman ang sangkatauhan. (1 Juan 5:19) Sinagot ng ating mga brother ang mga tanong niya gamit ang Bibliya. Nang mapanood niya nang araw ding iyon ang video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?, nagpa-Bible study ang lalaki at ang asawa nito.
Tinanong ng isa sa ating mga sister na nangangaral din sa Gqeberha ang isang babae kung puwede ba niyang basahin ang Awit 37:29. Pagkatapos basahin ang teksto sa kaniyang sariling Bibliya, sinabi ng babae na hindi niya ito maintindihan. Binasa ng sister ang teksto mula sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Xhosa. Sinabi ng babae: “Ang Xhosa na ginamit sa Bibliyang ito ay madaling maintindihan. Mas naiintindihan ko ito kaysa sa sarili kong Bibliya!” Regular na siyang nag-aaral ng Bibliya ngayon.
Natutuwa tayo na napakaraming tao na nagsasalita ng Xhosa sa iba’t ibang bahagi ng South Africa ang tumutugon sa mensahe ng pag-asa na ibinibigay ng ‘Diyos ng kaaliwan’ sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya.—2 Corinto 1:3.