Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 13, 2019
SOUTH AFRICA

Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa Tatlong Wika Noong Internasyonal na Kombensiyon sa South Africa

Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa Tatlong Wika Noong Internasyonal na Kombensiyon sa South Africa

Noong Setyembre 6, 2019, sa internasyonal na kombensiyon sa Johannesburg, South Africa, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Venda, Afrikaans, at Xhosa—mga wikang sinasalita ng mahigit 16 na milyong tao. Si Brother Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang naglabas ng mga Bibliyang ito sa harap ng 36,865 dumalo sa FNB Stadium. Mayroon pang 51,229 na naka-tie in sa walong iba pang lokasyon, gaya ng Lesotho, Namibia, at Saint Helena.

Ganito ang nasabi ng isang tagapagsalin tungkol sa mga Bibliyang ito: “Excited na kaming lahat na basahin ulit ang buong Bibliya sa wikang nakakaabot sa puso namin!” Sinabi pa ng isang tagapagsalin: “Ang pinakamahalaga, [ang bagong-labas na Bibliya] ay makakatulong sa amin na maging mas malapít kay Jehova kasi paulit-ulit nitong ginagamit ang pangalan ng Diyos.”

Makakatulong din ang mga Bibliyang ito sa pangangaral ng mga kapatid. Sinabi ng isang tagapagsalin sa wikang Xhosa: “Malaking tulong sa ministeryo ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin. Maiintindihan na ng mga tao ang mensahe ng Bibliya kahit hindi ipaliwanag ang bawat salita.” Idinagdag pa ng isang tagapagsalin sa wikang Afrikaans: “Ngayon, babasahin mo na lang ang teksto at ang Bibliya na ang magpapaliwanag sa sarili nito.”

Natutuwa tayo na ang mga kapatid ay mayroon nang mga Bibliya na madaling basahin at makakatulong sa kanila na mas mapalapít sa ating Diyos.​—Santiago 4:8.