Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Isang brother sa South African Sign Language translation team ang sumesenyas ng isang aklat ng Bibliya. Kanan: Mag-asawa na nakikinabang mula sa isang video sa South African Sign Language sa panahon ng pampamilyang pagsamba

ENERO 25, 2022
SOUTH AFRICA

Pinapurihan ng mga Opisyal sa South Africa ang mga Saksi ni Jehova sa mga Pagsisikap Nilang Tulungan ang mga Bingi

Dalawa Pang Aklat ng Bibliya ang Inilabas sa South African Sign Language

Pinapurihan ng mga Opisyal sa South Africa ang mga Saksi ni Jehova sa mga Pagsisikap Nilang Tulungan ang mga Bingi

Sa South Africa, pinasalamatan ng mga sumusuporta sa mga bingi ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtulong nila sa mga bingi na mapabuti pa ang kanilang buhay sa pagbibigay ng de-kalidad na mga video sa South African Sign Language (SASL). Nangyari ito matapos ilabas ang mga aklat ng Galacia at Efeso ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa SASL noong Nobyembre 15, 2021. Sampung aklat ng Bibliya na ang nagawa sa SASL. Apat na aklat pa ang nakaiskedyul na ilabas sa Abril 2022. Lahat ng ito ay available sa jw.org at sa JW Library Sign Language app.

Ganito ang sinabi ni Minna Steyn, isang guro at lider ng Western Cape Government, tungkol sa mga Saksi: “Gustong-gusto kong panoorin ang mga signer at binabati ko sila at ang organisasyon dahil sa pamantayan at kalidad ng pagsesenyas.”

Sinabi ni Bongani Makama, presidente ng Federation of the Disabled sa Eswatini: “Pinapapurihan namin ang mga Saksi ni Jehova sa pagtulong sa mga bingi at may problema sa pandinig na malaman ang mga bagay na nalalaman ng mga taong nakakarinig.” Sinabi pa niya: “Kailangan din ng [mga bingi] ang isang Bibliya sa kanilang wika. Kaya pinapapurihan namin ang mga Saksi ni Jehova sa paglalaan nila ng mga aklat na ito ng Bibliya sa mga bingi sa wika na malapít sa puso nila. Pinapanabikan na namin ang lahat ng 66 na aklat ng Bibliya sa sign language.”

Tinatayang 450,000 sa South Africa ang gumagamit ng SASL. May 283 Saksi na bingi o may problema sa pandinig sa South Africa. Dahil sa mga pagsisikap ng mga Saksi, “lahat ng uri ng tao” ay nagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan, pati na ang mga bingi sa teritoryo ng sangay sa South Africa.​—1 Timoteo 2:4.