MAYO 5, 2023
SOUTH KOREA
Aklat ng Mateo, Ini-release sa Chinese Sign Language
Noong Abril 23, 2023, Ang Bibliya—Ang Aklat ng Mateo ay ini-release sa Chinese Sign Language (CSL) sa isang programa na ginanap sa South Korea. Ito ang unang aklat ng Bibliya na nai-release sa CSL. Halos 200 ang dumalo mula sa dalawang kongregasyon na CSL sa South Korea. Mada-download na ito mula sa jw.org at sa JW Library Sign Language app.
Nagsikap ang translation team na maisalin ang aklat ng Bibliya sa wikang natural at madaling maintindihan. Ganito ang sinabi ng isang translator: “Dalawa sa tatlong miyembro ng team ay bingi, kaya madalas, pinag-uusapan namin kung paano mag-isip ang mga bingi. Naging mas madali tuloy ang pagta-translate namin.”
Isa pang translator ang nagsabi: “Nakatulong sa akin ang pagta-translate nito na mas maunawaan ang mga ginawa ni Jesus, ang pinagdaanan niya, at ang mga itinuro niya noong nasa lupa siya.”
Sinabi ng isang mamamahayag na bingi na dumalo sa programa: “Dati, ilang kasulatan lang ang available sa CSL. Parang maliit na bahagi lang ng puzzle ang nakikita namin. Ngayong nai-release na ang aklat ng Mateo, tuwang-tuwa akong makita ang buong larawan.”
“May mga publikasyon na sa sign language na inilaan ang organisasyon ni Jehova, ’tapos ngayon, may aklat pa ng Mateo sa CSL, kaya kitang-kita ko na gusto talagang tulungan ni Jehova ang mga bingi at mahal na mahal niya kami,” sabi ng isa pang mamamahayag na bingi.
Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa bagong salin na ito na tutulong sa mga kapatid natin na patuloy na sambahin ang Diyos sa “espiritu at katotohanan.”—Juan 4:24.