DISYEMBRE 12, 2019
SOUTH KOREA
Kuwento ng Pang-uusig sa mga Saksi sa Korea, Makikita sa National Museum
Kaunti lang ang nakakaalam sa pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Korea. Ipinakita ito sa isang exhibit sa National Memorial Museum of Forced Mobilization under Japanese Occupation na nasa Busan, ang ikalawang pinakamalaking lunsod sa Korea. Magsisimula ang exhibit na “Hindi Nagbabagong Konsensiya sa Nagbabagong Kasaysayan” sa Nobyembre 12, 2019 hanggang Disyembre 13, 2019. Ipinakita dito ang pagiging neutral ng mga Saksi sa nakalipas na mahigit 80 taon sa Korea noong pananakop ng Japan. Makikita rin dito kung paano sila pinag-usig ng gobyerno.
Noong Setyembre 2019, nagkaroon na ng ganitong exhibit sa Seodaemun Prison History Hall a sa Seoul. May 51,175 nagpunta, kasama na ang 5,700 delegado na dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa Seoul.
Ang Deungdaesa Incident ay nangyari mula Hunyo 1939 hanggang Agosto 1945, nang arestuhin at ibilanggo ang mga Saksi ni Jehova at mga interesado sa Bibliya. Ibinilanggo sila dahil tumanggi silang sambahin ang emperador. Inakusahan din silang namamahagi ng mga literatura na kumakalaban sa gobyerno para hindi sumali ang mga tao sa digmaan. Inaresto ang 66 na tao. Halos lahat ng mga Saksi ni Jehova sa Korea ay nakulong noong panahong iyon. Pinagtatanong sila at pinahirapan. Anim na Saksi ang nagkasakit at namatay dahil sa hindi magandang kalagayan sa bilangguan.
Sinabi ni Brother Hong Dae-il, na nangangasiwa sa Public Information Desk sa Korea: “Marami sa Korea ang hindi nakakaalam sa isyu ng human rights tungkol sa pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya noong pananakop ng Japan na nagsimula 80 taon na ang nakakalipas. Sa unang pagkakataon, ipinakita ng espesyal na exhibit ang kahanga-hangang kasaysayang ito.”
Sinabi ni Professor Han Hong-gu, isang historian na dumalo sa opening ceremony, tungkol sa mga Saksi na hindi nakipagkompromiso: “Sila ang pinakamagandang halimbawa ng pagsunod sa konsensiya at paninindigan sa kanilang paniniwala. . . . Ngayong mas nirerespeto na ng mga tao ang mga nanghahawakan sa kanilang konsensiya, dapat nila silang kilalanin.”
Nakuha ng exhibit ang atensiyon ng mga historian at journalist. Kaya maraming tao ang nakaalam tungkol sa pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya—isang isyu na pinag-uusapan sa Korea sa nakalipas na mga taon. Noong Hunyo 28, 2018, sinabi ng Constitutional Court na hindi makatarungan ang kawalan ng alternatibong paglilingkod sa South Korea. Pagkalipas lang ng apat na buwan, noong Nobyembre 1, nagdesisyon ang Supreme Court na hindi krimen ang pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya. Kaya pinalaya ang mga kapatid natin na nakabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya sa South Korea. Dahil dito, posibleng magkaroon ng batas tungkol sa alternatibong serbisyong pansibilyan.
Ang matibay na pananampalataya at lakas ng loob ng mga kapatid noon sa Korea na makikita sa museum ay nagpapaalala sa atin sa sinasabi ng Bibliya: “Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”—Awit 118:6.
a Bago naging museum ang History Hall, ginagamit ito noon para pahirapan ang mga tumangging magsundalo dahil sa konsensiya mula 1960’s hanggang 1980’s, kasama na rito ang mga Saksi ni Jehova noong pananakop ng Japan.
Seodaemun Prison History Hall sa Seoul, Korea. Dito unang ginanap ang exhibit noong Setyembre 2019
Grupo ng mga estudyante sa labas ng exhibit ng Deungdaesa Incident sa History Hall, at 51,175 ang nagpunta
Isang bahagi ng exhibit na makikita ang model ng watchtower na ginamit sa bilangguang ito
Limang figure sa loob ng bilangguan na nagpapakita ng mahirap na kalagayan ng mga Saksi noon
National Memorial Museum of Forced Mobilization under Japanese Occupation sa Busan na nag-host ng exhibit
Makikita sa dulo ng exhibit ang mga larawan ng 66 na tao na pinag-usig dahil sa neutralidad