MARSO 3, 2021
SOUTH KOREA
Nagdesisyon ang Korte Suprema ng Korea na Hindi Krimen Para sa Isang Kristiyano na Tanggihan ang Pagsasanay Para sa Reserve Forces
Noong Enero 28, 2021, nagdesisyon ang Korte Suprema ng Korea na hindi isang krimen na tanggihan ang pagsasanay para sa reserve forces dahil sa relihiyosong paniniwala. Ngayon, ang ating mga kapatid na dating nagsundalo bago naging Saksi ni Jehova ay hindi na paparusahan sa pagtanggi sa pagsasanay dahil sa konsensiya.
Lahat ng lalaking nagsundalo sa South Korea ay dapat na regular na tumanggap ng militar na pagsasanay sa loob ng walong taon. Ibig sabihin, ang mga kapatid natin na dating sundalo ay ipapatawag at paparusahan nang ilang ulit dahil sa pagtanggi sa gayong pagsasanay. Ang isa nating brother ay kinailangang humarap sa mga pulis, sa prosecutor’s office, at sa paglilitis at mga apela sa korte nang mga 60 beses sa loob ng isang taon.
Noong 2018, nagdesisyon ang dalawang mataas na hukuman ng Korea, ang Constitutional Court at ang Korte Suprema, na hindi isang krimen na tumangging magsundalo. Dahil dito, naging posible para sa isang Kristiyano na pumili ng alternatibong serbisyong pangkomunidad. Pero hindi napagdesisyunan ng mga Korte ang Reserve Forces Act, na nagpapahintulot sa gobyerno na parusahan ang mga tumatangging tumanggap ng regular na militar na pagsasanay dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala.
Dahil sa desisyong ito ng Korte Suprema, puwede nang tanggihan ang regular na militar na pagsasanay dahil sa relihiyosong paniniwala. Ang mga brother na kinailangang pumunta sa korte nang maraming beses ay puwede nang mag-apply para sa alternatibong serbisyong pangkomunidad sa halip na magmulta at mabilanggo. Ganito ang sabi ni Brother Nam Tae-hee, na kasama sa kasong ito: “Pagkatapos humarap sa korte nang maraming beses sa nakalipas na walong taon, iginalang na din sa wakas ang karapatan ko. Para akong nabunutan ng tinik.”
Masayang-masaya tayo, at nagpapasalamat tayo na pinatibay ni Jehova ang ating mga brother sa Korea at ang kanilang mga pamilya na ‘nagtiis ng hirap at dumanas ng kawalang-katarungan sa pagsisikap na magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos’!—1 Pedro 2:19.