PEBRERO 29, 2024
SOUTH KOREA
Nangaral ang mga Saksi sa Iba’t Ibang Wika sa 2024 Winter Youth Olympic Games sa South Korea
Ginanap ang 2024 Winter Youth Olympic Games sa apat na lunsod sa South Korea noong Enero 19 hanggang Pebrero 1, 2024. Libo-libong atleta, journalist, at manonood mula sa mahigit 70 bansa ang dumalo. Mahigit 2,600 Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa espesyal na kampanya sa pangangaral noong panahon ng palaro. Naglagay sila ng mga literature display cart sa 34 na lokasyon at salig-Bibliyang impormasyon sa apat na wika.
Nilapitan ng isang lalaking nagsasalita ng Mandarin ang dalawang brother at sinabing napansin niya ang mga cart natin sa iba’t ibang lugar sa lunsod. Pero nang makita niya ang poster tungkol sa maligayang pamilya sa isang cart, napahinto siya kasi marami siyang gustong malaman tungkol dito. Ipinaliwanag ng mga brother kung paano ida-download sa jw.org ang brosyur na Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya sa Mandarin. Agad na binuksan ng lalaki ang website sa device niya at pinasalamatan ang mga kapatid sa tulong nila.
Isang mag-asawang Saksi ang nakipagkuwentuhan sa isang lalaking taga-Ukraine. Dahil hindi sila nagsasalita ng wika nito, nakipag-usap sila gamit ang isang translation app sa cell phone nila. Habang nag-uusap sila, ipinakita ng lalaki ang isang litrato ng lugar nila na nawasak dahil sa tumamang missile. Nakisimpatiya sa kaniya ang mag-asawa at ipinakita sa kaniya mula sa Bibliya na malapit nang mawala ang mga digmaan. Dahil nabasa ng lalaki ang pangakong ito sa sarili niyang wika, naantig siya. Nakipag-appointment sa kaniya ang mag-asawa para ipagpatuloy ang pag-uusap nila.
Nakipag-usap ang sister na si In-Sook sa wikang English sa isang ice skater at sa nanay nito na taga-Finland. Binanggit ng sister natin ang ilang paksa sa website natin sa ilalim ng seksiyong “Pagpapalaki ng mga Tin-edyer.” Nagustuhan ito ng nanay at sinabing pupuntahan niya ulit ang website natin.
Masaya tayo na nagkaroon ng pagkakataon ang mga kapatid sa South Korea na makapangaral sa maraming tao sa internasyonal na palarong ito at “purihin ... ang pangalan ni Jehova.”—Awit 148:13.