Pumunta sa nilalaman

Si Brother Hye-min Kim kasama ang asawa niyang si Ha-bin, sa labas ng Gwangju District Court

DISYEMBRE 7, 2022
SOUTH KOREA

Sinasabi ng Isang Kaso sa Korte na Masyadong Mabigat ang Alternative Civilian Service ng South Korea

Sinasabi ng Isang Kaso sa Korte na Masyadong Mabigat ang Alternative Civilian Service ng South Korea

Gaganapin ng Gwangju District Court ng South Korea ang pagdinig sa kaso ni Brother Hye-min Kim sa Disyembre 8, 2022. Si Hye-min ang unang conscientious objector (tumatangging maglingkod sa militar dahil sa konsensiya) na tumanggi sa alternative civilian service (ACS) ng bansa dahil masyadong mabigat ito. Puwede siyang makulong nang hanggang 36 na buwan at nahaharap sa kasong kriminal.

Ang 36-na-buwang ACS ng South Korea ang pinakamatagal sa buong mundo—doble ng haba ng aktibong paglilingkod sa militar. Sa tatlong taóng ito, naka-detain ang mga conscientious objector, na parang naka-house arrest, sa mga dormitoryo sa loob ng bilangguan, at inilalagay sa ilalim ng matitinding restriksiyon. Kaya sa halip na maging tunay na alternatibo sa paglilingkod sa militar, tinawag ng mga eksperto sa buong mundo ang ACS ng South Korea na “alternatibong parusa.” a

Sa isang mahalagang desisyon noong Hunyo 28, 2018, kinilala ng Constitutional Court of South Korea ang mga karapatan ng mga conscientious objector sa ilalim ng Korean Constitution. Nagbabala ito sa mga mambabatas sa likod ng ACS: “Kung mahihirapan ang mga conscientious objector na piliin ang alternative service dahil napakahaba o napakatindi nito, mawawala ang layunin ng alternative service. Magiging parusa na ito sa kanila, at paglabag sa iba pang pangunahing mga karapatan nila.”

Ginawa ng United Nations Commission on Human Rights ang internasyonal na mga pamantayan para sa alternative service sa isang resolusyon noong 1998. Pinaalalahanan ang mga bansang may sapilitang paglilingkod sa militar na maglaan sa mga conscientious objector ng ibang uri ng paglilingkod na “para sa kapakanan ng publiko at hindi napakatindi.”

Hindi ito ang unang pagkakataong masampahan ng kasong kriminal si Hye-min. Noong Setyembre 2020, pinawalang-sala siya ng Korte Suprema ng Korea sa pagtangging maglingkod sa militar dahil sa konsensiya. Pagkalipas ng ilang linggo, nag-apply siya para sa ACS. Naghintay siya hanggang Pebrero 7, 2022, bago matawagan para sa ACS. Pero pagkatapos pag-isipan ang kasalukuyang programa ng ACS, magalang siyang tumanggi.

Kung papaboran ng korte si Hye-min, puwedeng baguhin ng gobyerno ang programa nito ng ACS para masunod ang internasyonal na mga pamantayan. Makikinabang dito nang husto ang lahat ng mga kapatid natin sa South Korea at ang mga pamilya nila, pati na ang mga mamamayan nito. Ipinapanalangin natin na ang lahat ng naaapektuhan ng isyung ito ay patuloy na magtiwala na tutulungan sila ni Jehova na ‘maging mapagpasensiya at masaya habang tinitiis ang lahat ng bagay.’—Colosas 1:11.

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang espesyal na report na “Alternative Civilian Service sa South Korea” na inihanda ng Asia-Pacific Association of Jehovah’s Witnesses.