Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 14, 2014
SOUTH KOREA

Ipinakita ng Surbey ang Nagbagong Opinyon sa Pagtangging Magsundalo sa South Korea

Ipinakita ng Surbey ang Nagbagong Opinyon sa Pagtangging Magsundalo sa South Korea

SEOUL, Korea—Ayon sa isang Gallup poll kamakailan, dumarami ang mga Koreanong pabor na bigyan na lang ng alternatibong serbisyo ang mga tumatangging maglingkod sa militar. Noong Nobyembre 4-7, 2013, may 1,211 Koreanong lalaki at babae na sinurbey at 68% ang payag na bigyan ng alternatibong serbisyo ang mga tumatangging maglingkod sa militar sa halip na ibilanggo ang mga ito. Ipinakita ng resulta ng surbey na malaki ang ipinagbago ng opinyon ng publiko, dahil sa isang katulad na surbey noong 2008, 29% lang ang pabor sa alternatibong serbisyo.

Lumilitaw na ang ilang nasa propesyong may kaugnayan sa batas sa Korea ay payag din na magkaroon ng ibang opsyon bukod sa pagbibilanggo para sa mga kaso ng pagtangging maglingkod sa militar. Sa kaniyang editoryal tungkol sa isyung ito, sinabi ni Han In-seop, propesor sa School of Law ng Seoul National University: “Bibihirang hukom ang mag-iisip na ang mga indibiduwal na ito ay nakagawa ng isang bagay na mali o laban sa lipunan. Ni hindi nga ipinag-uutos na iditine ang mga tumatangging maglingkod sa militar dahil hindi naman ikinababahalang tatakas ang mga ito. Sa tuwing magbababa ng hatol na guilty ang mga hukom, nakokonsensiya sila at di-mapalagay.”

Ang isyung ito tungkol sa karapatang pantao ay itinampok kamakailan sa isang independent film na produksiyon ng National Human Rights Commission of Korea. Kasama sa film ang segment na pinamagatang “Ice River,” na tungkol sa isang Saksi ni Jehova na tumangging maglingkod sa militar. Sinabi ng direktor na ginawa niya ang film na iyon nang malaman niya na daan-daang Saksi bawat taon ang ibinibilanggo dahil sa pagtangging pumasok sa gayong serbisyo. Ayon sa isang report ng United Nations Human Rights Council na inilathala noong Hunyo 2013, nasa South Korea ang 93% ng mga Saksi sa buong daigdig na nakakulong dahil sa pagtangging magsundalo.

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Republic of Korea: Dae-il Hong, tel. +82 31 690 0055